← Job (34/42) → |
1. | Bukod dito'y sumagot si Eliu, at nagsabi, |
2. | Dinggin ninyo ang aking mga salita, kayong mga pantas; at pakinggan ninyo ako, ninyong may kaalaman. |
3. | Sapagka't ang pakinig ay tumitikim ng mga salita, gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain. |
4. | Ating piliin sa ganang atin ang matuwid: ating alamin sa gitna natin kung ano ang mabuti. |
5. | Sapagka't sinabi ni Job, Ako'y matuwid, at inalis ng Dios ang aking katuwiran: |
6. | Gayon ma'y akong may matuwid ay nabilang akong sinungaling; at ang aking sugat ay walang kagamutan, bagaman ako'y walang pagsalangsang. |
7. | Sinong tao ang gaya ni Job, na umiinom ng pagkaduwahagi na tila tubig, |
8. | Na yumayaon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan, at lumalakad na kasama ng mga masamang tao? |
9. | Sapagka't kaniyang sinabi, Walang napapakinabang ang tao na siya'y makapagpalugod sa Dios. |
10. | Kaya't dinggin ninyo ako, ninyong mga lalaking may unawa: malayo nawa sa Dios na siya'y gumawa ng masama; at sa Makapangyarihan sa lahat, na siya'y magkamit ng kasamaan. |
11. | Sapagka't ang gawa ng tao ay tutuusin niya sa kaniya, at ipatatagpo sa bawa't tao ang ayon sa kaniyang mga lakad. |
12. | Oo, sa katotohanan, ang Dios ay hindi gagawa ng kasamaan, ni ang Makapangyarihan sa lahat ay sisira ng kahatulan. |
13. | Sinong nagbigay sa kaniya ng bilin sa lupa? O sinong nagayos ng buong sanglibutan? |
14. | Kung kaniyang ilagak ang kaniyang puso sa tao, kung kaniyang pisanin sa kaniyang sarili ang kaniyang espiritu at ang kaniyang hininga; |
15. | Tanang laman ay mamamatay na magkakasama, at ang tao ay mababalik uli sa alabok. |
16. | Kung ngayon ay mayroon kang unawa ay dinggin mo ito: Dinggin mo ang tinig ng aking mga salita. |
17. | Mamamahala ba ang nagtatanim sa katuwiran? At iyo bang parurusahan siyang ganap at may kaya? |
18. | Siya na nagsabi sa isang hari: ikaw ay hamak? O sa mga mahal na tao: Kayo'y masasama? |
19. | Na hindi gumagalang sa mga pagkatao ng mga pangulo, ni nagpakundangan man sa mayaman ng higit kay sa mahirap; sapagka't silang lahat ay gawa ng kaniyang mga kamay. |
20. | Sa isang sangdali ay nangamamatay sila, kahit sa hating gabi; ang bayan ay inuuga at nawawala, at inaalis ang may kaya ng wala man lamang kamay. |
21. | Sapagka't ang kaniyang mga mata ay nangasa lakad ng tao, at nakikita niya ang lahat niyang pagyaon. |
22. | Walang kadiliman, ni makapal man pangungulimlim, na mapagtataguan ng mga manggagawa ng kasamaan. |
23. | Sapagka't hindi na niya pakukundanganan ang tao, upang siya'y humarap sa Dios sa kahatulan. |
24. | Kaniyang niluluray ang mga makapangyarihang tao ng mga paraang di masayod, at naglalagay ng mga iba na kahalili nila. |
25. | Kaya't siya'y kumukuhang kaalaman sa kanilang mga gawa; at kaniyang binabaligtad sila sa gabi, na anopa't sila'y nangalilipol. |
26. | Kaniyang hinahampas sila na parang masasamang tao sa hayag na paningin ng mga iba, |
27. | Sapagka't sila'y nagsilihis ng pagsunod sa kaniya, at hindi binulay ang anoman sa kaniyang mga lakad: |
28. | Na anopa't kaniyang pinadating ang daing ng dukha sa kaniya, at dininig niya ang daing ng napipighati. |
29. | Pagka siya'y nagbibigay ng katahimikan, sino ngang makahahatol? At pagka kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, sinong makakakita sa kaniya? Maging gawin sa isang bansa, o sa isang tao: |
30. | Upang ang taong di banal ay huwag maghari, upang huwag maging silo sa bayan. |
31. | Sapagka't may nagsabi ba sa Dios: Aking tinitiis ang parusa, hindi na ako magkakasala pa: |
32. | Yaong hindi ko nakikita ay ituro mo sa akin: kung ako'y nakagawa ng kasamaan hindi ko na ito gagawin pa? |
33. | Mangyayari pa ba ang kaniyang kagantihan na gaya ng iyong ibig na iyong tinatanggihan? Sapagka't ikaw ang marapat pumili at hindi ako: kaya't salitain mo kung ano ang iyong nalalaman. |
34. | Mga taong may unawa ay magsasabi sa akin, Oo, bawa't pantas na taong nakakarinig sa akin: |
35. | Si Job ay nagsasalita ng walang kaalaman. At ang kaniyang mga salita ay walang karunungan. |
36. | Si Job nawa'y subukin hanggang sa wakas, dahil sa ang kaniyang sagot ay gaya ng mga masamang tao. |
37. | Sapagka't siya'y nagdadagdag ng panghihimagsik sa kaniyang kasalanan, kaniyang pinagagalaw ang kaniyang mga kamay sa gitna natin, at pinararami ang kaniyang mga salita laban sa Dios. |
← Job (34/42) → |