← Job (3/42) → |
1. | Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan. |
2. | At si Job ay sumagot, at nagsabi, |
3. | Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi. |
4. | Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag. |
5. | Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw. |
6. | Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan. |
7. | Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig. |
8. | Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya. |
9. | Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni't huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga: |
10. | Sapagka't hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata. |
11. | Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina? |
12. | Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin? |
13. | Sapagka't ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana'y nakakatulog; na napapahinga ako: |
14. | Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila; |
15. | O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak: |
16. | O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag. |
17. | Doo'y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo'y nagpapahinga ang pagod. |
18. | Doo'y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag. |
19. | Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon. |
20. | Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan; |
21. | Na naghihintay ng kamatayan, nguni't hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago; |
22. | Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan? |
23. | Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios? |
24. | Sapagka't nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig. |
25. | Sapagka't ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin. |
26. | Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating. |
← Job (3/42) → |