← Job (27/42) → |
1. | At muling sinambit ni Job ang kaniyang talinhaga, at nagsabi, |
2. | Buhay ang Dios, na siyang nagalis ng aking katuwiran, at ang Makapangyarihan sa lahat na siyang nagpapanglaw ng aking kaluluwa; |
3. | (Sapagka't ang aking buhay ay buo pa sa akin, at ang espiritu ng Dios ay nasa mga butas ng aking ilong); |
4. | Tunay na ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kalikuan, ni ang aking dila man ay magsasaysay ng karayaan. |
5. | Malayo nawa sa aking kayo'y ariin kong ganap: Hanggang sa ako'y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat. |
6. | Ang aking katuwiran ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan: hindi ako aalipustain ng aking puso habang ako'y buhay. |
7. | Ang aking kaaway ay maging gaya nawa ng masama, at ang bumangon laban sa akin ay maging gaya nawa ng liko. |
8. | Sapagka't ano ang pagasa ng di banal, bagaman siya'y makikinabang sa kaniya, pagka kinuha ng Dios ang kaniyang kaluluwa? |
9. | Didinggin ba ng Dios ang kaniyang iyak, pagka ang kabagabagan ay dumating sa kaniya? |
10. | Makapagsasaya ba siya sa Makapangyarihan sa lahat, at tatawag sa Dios sa lahat ng mga panahon? |
11. | Aking tuturuan kayo ng tungkol sa kamay ng Dios; ang nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko ililihim. |
12. | Narito, kayong lahat ay nangakakita; bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan? |
13. | Ito ang bahagi ng masamang tao sa Dios, at ang mana ng mga mamimighati, na kanilang tinatanggap sa Makapangyarihan sa lahat. |
14. | Kung ang kaniyang mga anak ay dumami, ay para sa tabak, at ang kaniyang lahi ay hindi mabubusog ng tinapay. |
15. | Yaong nangaiwan sa kaniya ay mangalilibing sa kamatayan, at ang kaniyang mga bao ay hindi magsisipanaghoy. |
16. | Bagaman siya'y magbunton ng pilak na parang alabok, at maghahanda ng bihisan na parang putik; |
17. | Maihahanda niya, nguni't ang ganap ang magsusuot niyaon. At babahagihin ng walang sala ang pilak. |
18. | Siya'y nagtatayo ng kaniyang bahay na gaya ng tanga, at gaya ng isang bantayan na ginagawa ng bantay. |
19. | Siya'y nahihigang mayaman, nguni't hindi siya pupulutin; kaniyang ididilat ang kaniyang mga mata, nguni't wala na siya. |
20. | Mga kakilabutan ang tumatabon sa kaniya na gaya ng tubig; bagyo ang umaagaw sa kaniya sa kinagabihan, |
21. | Tinangay siya ng hanging silanganan, at siya'y nananaw; at pinapalis siya sa kaniyang kinaroroonang dako. |
22. | Sapagka't hahalibasin siya ng Dios, at hindi magpapatawad; siya'y magpupumilit na tumakas sa kaniyang kamay. |
23. | Ipapakpak ng mga tao ang kanilang mga kamay sa kaniya. At hihiyawan siya mula sa kaniyang kinaroroonang dako. |
← Job (27/42) → |