← Job (18/42) → |
1. | Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi, |
2. | Hanggang kailan manghuhuli kayo ng mga salita? Inyong bulayin, at pagkatapos ay magsasalita kami. |
3. | Bakit kami nangabibilang na parang mga hayop, at naging marumi sa iyong paningin? |
4. | Ikaw na nagpapakabagbag sa iyong galit, pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo? O babaguhin ba ang bato mula sa kinaroroonan? |
5. | Oo, ang ilaw ng masama ay papatayin, at ang liyab ng kaniyang apoy ay hindi liliwanag. |
6. | Ang ilaw ay magdidilim sa kaniyang tolda, at ang kaniyang ilawan sa itaas niya ay papatayin. |
7. | Ang mga hakbang ng kaniyang kalakasan ay mapipigil, at ang kaniyang sariling payo ang magbabagsak sa kaniya. |
8. | Sapagka't siya'y inihagis sa lambat ng kaniyang sariling mga paa, at siya'y lumalakad sa mga silo. |
9. | Isang panghuli ang huhuli sa kaniya sa mga sakong. At isang silo ay huhuli sa kaniya. |
10. | Ang panali ay nakakubli ukol sa kaniya sa lupa, at isang patibong na ukol sa kaniya ay nasa daan. |
11. | Mga kakilabutan ay tatakot sa kaniya sa lahat ng dako, at hahabol sa kaniya sa kaniyang mga sakong. |
12. | Ang kaniyang kalakasan ay manglalata sa gutom, at ang kapahamakan ay mahahanda sa kaniyang tagiliran. |
13. | Susupukin ang mga sangkap ng kaniyang katawan, Oo, lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kaniyang mga sangkap. |
14. | Siya'y ilalabas sa kaniyang tolda na kaniyang tinitiwalaan; at siya'y dadalhin sa hari ng mga kakilabutan. |
15. | Tatahan sa kaniyang tolda yaong di niya kaanoano: azufre ay makakalat sa kaniyang tahanan. |
16. | Ang kaniyang mga ugat ay mangatutuyo sa ilalim, at sa ibabaw ay puputulin ang kaniyang sanga. |
17. | Ang alaala sa kaniya ay mawawala sa lupa, at siya'y mawawalan ng pangalan sa lansangan. |
18. | Siya'y ihahatid sa kadiliman mula sa liwanag, at itatapon sa labas ng sanglibutan. |
19. | Siya'y hindi magkakaroon kahit anak, ni anak man ng anak sa gitna ng kaniyang bayan, ni anomang nalabi sa kaniyang pinakipamayanan. |
20. | Silang nagsisidating pagkatapos ay mangatitigilan sa kaniyang kaarawan, gaya ng nangauna na nangatakot. |
21. | Tunay na ganyan ang mga tahanan ng mga liko, at ito ang kalalagyan niya na hindi nakakakilala sa Dios. |
← Job (18/42) → |