← Job (15/42) → |
1. | Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi, |
2. | Sasagot ba ang isang pantas ng walang kabuluhang kaalaman, at pupunuin ang kaniyang tiyan ng hanging silanganan? |
3. | Makikipagmatuwiranan ba siya ng walang kapakinabangang pangungusap, o ng mga salita na hindi niya ikagagawa ng mabuti? |
4. | Oo, ikaw ay nagaalis ng katakutan, at iyong pinipigil ang dalangin sa harap ng Dios. |
5. | Sapagka't ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa iyong bibig, at iyong pinipili ang dila ng mapagkatha. |
6. | Ang iyong sariling bibig ang humahatol laban sa iyo, at hindi ako; Oo, ang iyong sariling mga labi ay nagpapatotoo laban sa iyo. |
7. | Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak? O nalabas ka bang una kay sa mga burol? |
8. | Iyo bang narinig ang lihim na payo ng Dios? At ikaw ba'y nagpigil ng karunungan sa iyong sarili? |
9. | Anong nalalaman mo na di namin nalalaman? Anong nauunawa mo na wala sa amin? |
10. | Kasama namin ay mga ulong may uban, at mga totoong napakatandang tao, matandang makapupo kay sa iyong ama. |
11. | Ang mga pagaliw ba ng Dios ay totoong kaunti pa sa ganang iyo, sa makatuwid baga'y ang salitang napakabuti sa iyo? |
12. | Bakit ka napadadala sa iyong puso? At bakit kumikindat ang iyong mga mata? |
13. | Na tinatalikdan mo ng iyong diwa ang Dios, at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa iyong bibig. |
14. | Ano ang tao upang maging malinis? At siyang ipinanganak ng babae, upang siya'y maging matuwid? |
15. | Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga banal; Oo, ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin. |
16. | Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak, ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig! |
17. | Ipakikilala ko sa iyo, dinggin mo ako; at ang aking nakita ay aking ipahahayag: |
18. | (Ang isinaysay ng mga pantas na mula sa kanilang mga magulang, at hindi inilingid; |
19. | Sa mga yaon lamang ibinigay ang lupain, at walang taga ibang lupa na dumaan sa gitna nila:) |
20. | Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit lahat ng kaniyang araw, sa makatuwid baga'y ang bilang ng mga taon na itinakda sa mamimighati. |
21. | Ang hugong ng kakilabutan ay nasa kaniyang mga pakinig; sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mga mananamsam: |
22. | Siya'y hindi naniniwala na babalik siya na mula sa kadiliman, at siya'y hinihintay ng tabak: |
23. | Siya'y gumagala dahil sa tinapay, na nagsasabi: Nasaan? Kaniyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kaniyang kamay: |
24. | Kapanglawan at kadalamhatian ay tumatakot sa kaniya: nangananaig laban sa kaniya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipagbaka; |
25. | Sapagka't iniuunat niya ang kaniyang kamay laban sa Dios. At nagpapalalo laban sa Makapangyarihan sa lahat; |
26. | Tinatakbo niya siya na may mapagmatigas na leeg, sa kakapalan ng kaniyang mga kalasag; |
27. | Sapagka't tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang katabaan at nagpangulubot ng kaniyang mga pigi; |
28. | At siya'y tumahan sa mga sirang bayan, sa mga bahay na walang taong tumatahan, na madaling magiging mga bunton. |
29. | Hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kaniyang pag-aari. Ni di lalawak sa lupa ang kaniyang mga tinatangkilik. |
30. | Siya'y hindi hihiwalay sa kadiliman; tutuyuin ng liyab ang kaniyang mga sanga, at sa pamamagitan ng hininga ng bibig ng Dios ay papanaw siya. |
31. | Huwag siyang tumiwala sa kalayawan na dayain ang sarili: sapagka't kalayawan ang magiging kagantihan sa kaniya. |
32. | Magaganap ito bago dumating ang kaniyang kapanahunan, at ang kaniyang sanga ay hindi mananariwa. |
33. | Lalagasin niya ang kaniyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas, at lalagasin ang kaniyang bulaklak na gaya ng olibo. |
34. | Sapagka't ang pulutong ng mga di banal ay hindi lalago, at susupukin ng apoy ang mga toldang suhulan. |
35. | Sila'y nag-iisip ng pagapi at naglalabas ng kasamaan, at ang kanilang kalooban ay naghahanda ng pagdaraya. |
← Job (15/42) → |