← Isaiah (52/66) → |
1. | Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion; magsuot ka ng iyong mga magandang damit, Oh Jerusalem, na bayang banal: sapagka't mula ngayo'y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi. |
2. | Magpagpag ka ng alabok; ikaw ay bumangon, umupo ka sa iyong luklukan, Oh Jerusalem: magkalag ka ng mga tali ng iyong leeg, Oh bihag na anak na babae ng Sion. |
3. | Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y naipagbili sa wala; at kayo'y matutubos ng walang salapi. |
4. | Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Egipto upang makipamayan doon: at pinighati sila ng mga taga Asiria ng walang kadahilanan. |
5. | Ngayon nga, anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon, yamang ang aking bayan ay dinala ng walang anoano? silang nangagpupuno sa kanila ay nagsisiungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay natutungayaw na lagi buong araw, |
6. | Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan: kaya't matatalastas nila sa araw na yaon, na ako yaong nagsasalita; narito, ako nga. |
7. | Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Dios ay naghahari! |
8. | Ang tinig ng iyong mga bantay! sila'y naglalakas ng tinig, na magkakasamang nagsisiawit; sapagka't sila'y makakakita ng mukhaan pagka ang Panginoon ay bumalik sa Sion. |
9. | Kayo'y magbiglang magalak, kayo'y magsiawit na magkakasama, kayong mga sirang dako ng Jerusalem; sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, kaniyang tinubos ang Jerusalem. |
10. | Hinubdan ng Panginoon ang kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat na bansa; at makikita ng lahat na wakas ng lupa ang pagliligtas ng ating Dios. |
11. | Kayo'y magsiyaon, kayo'y magsiyaon, kayo'y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo'y magsilabas sa gitna niya; kayo'y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon. |
12. | Sapagka't kayo'y hindi magsisilabas na nagmamadali, o magsisilabas man kayo na takas: sapagka't ang Panginoon ay magpapauna sa inyo; at ang Dios ng Israel ay magiging inyong bantay likod. |
13. | Narito, ang lingkod ko ay gagawang may karunungan, siya'y mabubunyi, at malalagay na mataas, at magiging napakataas. |
14. | Kung paanong marami ang natigilan dahil sa iyo (ang kaniyang mukha ay napakakatuwa kay sa kaninomang lalake, at ang kaniyang anyo ay higit na kumatuwa kay sa mga anak ng mga tao), |
15. | Gayon siya magwiwisik sa maraming bansa; ang mga hari ay magtitikom ng kanilang mga bibig dahil sa kaniya: sapagka't ang hindi nasaysay sa kanila ay kanilang makikita; at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawa. |
← Isaiah (52/66) → |