← Isaiah (26/66) → |
1. | Sa araw na yaon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda: Tayo ay may matibay na bayan; kaligtasan ay kaniyang ilalagay na pinakakuta at pinakakatibayan. |
2. | Buksan ninyo ang mga pintuang-bayan, upang mapasukan ng matuwid na bansa na nagiingat ng katotohanan. |
3. | Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo. |
4. | Magsitiwala kayo sa Panginoon magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang bato. |
5. | Sapagka't ibinaba niya sila na nagsisitahan sa itaas, na mapagmataas na bayan: kaniyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa: kaniyang ibinagsak hanggang sa alabok. |
6. | Yayapakan ng paa, sa makatuwid baga'y ng mga paa ng dukha, at ng mga hakbang ng mapagkailangan. |
7. | Ang daan ng ganap ay katuwiran: ikaw na matuwid ay nagtuturo ng landas ng ganap. |
8. | Oo, sa daan ng iyong mga kahatulan, Oh Panginoon, nangaghintay kami sa iyo: sa iyong pangalan at sa alaala sa iyo ang nasa ng aming kaluluwa. |
9. | Ninasa kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng diwa ko sa loob ko ay hahanapin kita na masikap: sapagka't pagka nasa lupa ang iyong mga kahatulan ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanglibutan. |
10. | Magpakita man ng awa sa masama, hindi rin siya matututo ng katuwiran; sa lupain ng katuwiran ay gagawa siyang may kamalian, at hindi niya mapapansin ang kamahalan ng Panginoon. |
11. | Panginoon, ang iyong kamay ay nakataas, gayon ma'y hindi nila nakikita: nguni't makikita nila ang iyong sikap sa bayan, at mangapapahiya; oo, sasakmalin ng apoy ang iyong mga kaaway. |
12. | Panginoon, ikaw ay magaayos ng kapayapaan sa amin: sapagka't ikaw rin ang gumawa ng lahat naming gawa na para sa amin. |
13. | Oh Panginoon naming Dios, ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay nagtaglay ng pagkapanginoon sa amin; nguni't ikaw lamang ang babanggitin namin sa pangalan. |
14. | Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay; sila'y namatay, sila'y hindi babangon: kaya't iyong dinalaw at sinira sila, at pinawi mo ang lahat na alaala sa kanila. |
15. | Iyong pinarami ang bansa, Oh Panginoon, iyong pinarami ang bansa; ikaw ay nagpakaluwalhati: iyong pinalaki ang lahat na hangganan ng lupain. |
16. | Panginoon, sa kabagabagan ay dinalaw ka nila, sila'y nangagbugso ng dalangin, nang pinarurusahan mo sila. |
17. | Gaya ng babae na nagdadalang-tao na lumalapit ang panahon ng kaniyang panganganak, ay nasa hirap at humihiyaw sa kaniyang pagdaramdam; naging gayon kami sa harap mo, Oh Panginoon. |
18. | Kami ay nangagdalang-tao, kami ay nalagay sa pagdaramdam, kami ay tila nanganak ng hangin; kami ay hindi nagsigawa ng anomang kagalingan sa lupa; o nabuwal man ang mga nananahan sa sanglibutan. |
19. | Ang iyong mga patay ay mangabubuhay; ang aking patay na katawan ay babangon. Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok: sapagka't ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay. |
20. | Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas; |
21. | Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay. |
← Isaiah (26/66) → |