← Isaiah (24/66) → |
1. | Narito, pinawawalan ng laman ng Panginoon ang lupa, at sinisira, at binabaligtad, at pinangangalat ang mga nananahan doon. |
2. | At mangyayari, na kung paano sa mga tao, gayon sa saserdote; kung paano sa alipin, gayon sa kaniyang panginoon; kung paano sa alilang babae, gayon sa kaniyang panginoong babae; kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili; kung paano sa mapagpahiram, gayon sa manghihiram; kung paano sa mapagpatubo, gayon sa pinatutubuan. |
3. | Ang lupa ay lubos na mawawalan ng laman, at lubos na masasamsaman; sapagka't sinalita ng Panginoon ang salitang ito. |
4. | Ang lupa ay tumatangis at nasisira, ang sanglibutan ay nanghihina at nanglalata, ang mapagmataas na bayan sa lupa ay nanghihina. |
5. | Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka't kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan. |
6. | Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin; kaya't ang mga nananahan sa lupa ay nangasunog, at nangagilan ang tao. |
7. | Ang bagong alak ay pinabayaan, ang puno ng ubas ay nalanta, lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga. |
8. | Ang saya ng mga pandereta ay naglikat, ang kaingay nila na nangagagalak ay nagkawakas, ang galak ng alpa ay naglikat. |
9. | Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan; matapang na alak ay magiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyaon. |
10. | Ang bayan ng pagkalito ay nabagsak: bawa't bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon. |
11. | May daing sa mga lansangan dahil sa alak; lahat ng kagalakan ay naparam, ang kasayahan sa lupa ay nawala. |
12. | Naiwan sa bayan ay kagibaan, at ang pintuang-bayan ay nawasak. |
13. | Sapagka't ganito ang mangyayari sa mga tao sa gitna ng lupain na gaya ng paguga sa isang punong olibo, gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani. |
14. | Ang mga ito ay maglalakas ng kanilang tinig, sila'y magsisihiyaw; dahil sa kamahalan ng Panginoon ay nagsisihiyaw sila ng malakas mula sa dagat. |
15. | Kaya't luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga'y ang pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa mga pulo ng dagat. |
16. | Mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit, kaluwalhatian sa matuwid. Nguni't aking sinabi, Namamatay ako, namamayat ako, sa aba ko! ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawang may kataksilan, oo, ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawa na may lubhang kataksilan. |
17. | Takot, at ang hukay, at ang silo ay nangasa iyo, Oh nananahan sa lupa. |
18. | At mangyayari, na siyang tumatakas sa kakilakilabot na kaingay ay mahuhulog sa hukay; at siyang sumasampa mula sa gitna ng hukay ay mahuhuli sa silo: sapagka't ang mga dungawan sa itaas ay nangabuksan, at ang mga patibayan ng lupa ay umuuga. |
19. | Ang lupa ay nagibang lubos, ang lupa ay lubos na nasira, ang lupa ay nakilos ng di kawasa. |
20. | Ang lupa ay gigiray na parang lango, at mauuga na parang dampa; at ang kaniyang pagsalangsang ay magiging mabigat sa kaniya, at mabubuwal, at hindi na magbabangon. |
21. | At mangyayari, sa araw na yaon, na parurusahan ng Panginoon ang hukbo ng mga mataas sa itaas, at ang mga hari sa lupa sa ibabaw ng lupa. |
22. | At sila'y mangapipisan, gaya ng mga bilanggo na mangapipisan sa hukay, at masasarhan sa bilangguan, at pagkaraan ng maraming araw ay dadalawin sila. |
23. | Kung magkagayo'y malilito ang buwan, at ang araw ay mapapahiya; sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo ay maghahari sa bundok ng Sion, at sa Jerusalem; at sa harap ng kaniyang mga matanda ay may kaluwalhatian. |
← Isaiah (24/66) → |