← Hosea (12/14) → |
1. | Ang Ephraim ay kumakain ng hangin, at sumusunod sa hanging silanganan: siya'y laging nagpaparami ng mga kabulaanan at kasiraan; at sila'y nakikipagtipan sa Asiria, at ang langis ay dinadala sa Egipto. |
2. | Ang Panginoon ay may pakikipagkaalit din sa Juda, at parurusahan niya ang Jacob ayon sa kaniyang mga lakad; ayon sa kaniyang mga gawa ay gagantihan niya siya. |
3. | Sa bahay-bata ay kaniyang hinawakan sa sakong ang kaniyang kapatid; at sa kaniyang kabinataan ay nagtaglay ng kapangyarihan ng Dios: |
4. | Oo, siya'y nagtaglay ng kapangyarihan sa anghel, at nanaig: siya'y tumangis, at namanhik sa kaniya: nasumpungan niya siya sa Beth-el, at doo'y nakipagsalitaan siya sa atin. |
5. | Sa makatuwid baga'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo; ang Panginoon ay kaniyang alaala. |
6. | Kaya't magbalik-loob ka sa iyong Dios magingat ka ng kaawaan at ng kahatulan, at hintayin mong lagi ang iyong Dios. |
7. | Mangangalakal siya na may timbangang magdaraya sa kaniyang kamay: maibigin ng pagpighati. |
8. | At sinabi ng Ephraim, Tunay na ako'y naging mayaman, ako'y nakasumpong ng kayamanan; sa lahat ng aking gawin, walang masusumpungan sila sa akin na kasamaan, |
9. | Nguni't ako ang Panginoon mong Dios mula sa lupain ng Egipto, akin pa kitang patatahanin uli sa mga tolda, gaya sa mga kaarawan ng takdang kapistahan. |
10. | Ako rin naman ay nagsalita sa mga propeta, at ako'y nagparami ng mga pangitain; at sa pangangasiwa ng mga propeta ay gumamit ako ng mga talinhaga. |
11. | Ang Galaad baga'y kasamaan? sila'y pawang walang kabuluhan; sa Gilgal ay nangaghahain sila ng mga toro; oo, ang kanilang dambana ay parang mga bunton sa mga bungkal ng bukid. |
12. | At si Jacob ay tumakas na napatungo sa parang ng Aram, at naglingkod si Israel dahil sa isang asawa, at dahil sa isang asawa ay nagalaga ng mga tupa. |
13. | At sa pamamagitan ng isang propeta ay isinampa ng Panginoon ang Israel mula sa Egipto, at sa pamamagitan ng isang propeta, siya'y naingatan. |
14. | Ang Ephraim ay namungkahi ng di kawasang galit: kaya't ang kaniyang dugo ay maiiwan sa kaniya, at ibabalik ng kaniyang Panginoon sa kaniya ang kakutyaan sa kaniya. |
← Hosea (12/14) → |