← Hebrews (3/13) → |
1. | Kaya, mga banal na kapatid, mga may bahagi sa pagtawag ng kalangitan, inyong isipin ang Apostol at Dakilang Saserdote na ating kinikilala, si Jesus; |
2. | Na siya'y tapat sa naglagay sa kaniya na gaya rin naman ni Moises sa buong sangbahayan niya. |
3. | Sapagka't siya ay inaring may karapatan sa lalong kaluwalhatian kay sa kay Moises, palibhasa'y may lalong karangalan kay sa bahay yaong nagtayo ng bahay. |
4. | Sapagka't ang bawa't bahay ay may nagtayo; datapuwa't ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Dios. |
5. | At sa katotohanang si Moises ay tapat sa buong sangbahayan niya gaya ng lingkod, na pinakapatotoo sa mga bagay na sasabihin pagkatapos; |
6. | Datapuwa't si Cristo, gaya ng anak ay puno sa bahay niya; na ang bahay niya ay tayo, kung ating ingatang matibay ang ating pagkakatiwala at pagmamapuri sa pagasa natin hanggang sa katapusan. |
7. | Gaya nga ng sabi ng Espiritu Santo, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, |
8. | Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi, Gaya nang sa araw ng pagtukso sa ilang, |
9. | Na doon ako tinukso ng inyong mga magulang sa pagsubok sa akin, At apat na pung taon na nangakita ang aking mga gawa. |
10. | Dahil dito'y nagalit ako sa lahing ito, At aking sinabi, Laging sila'y nangagkakamali sa kanilang puso: Nguni't hindi nila nangakilala ang aking mga daan; |
11. | Ano pa't aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan. |
12. | Magsipagingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Dios na buhay: |
13. | Nguni't kayo'y mangagpangaralan sa isa't isa araw-araw, samantalang sinasabi, Ngayon; baka papagmatigasin ang sinoman sa inyo ng daya ng kasalanan: |
14. | Sapagka't tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung ating iniingatang matibay ang pasimula ng ating pagkakatiwala hanggang sa katapusan: |
15. | Samantalang sinasabi, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi. |
16. | Sapagka't sino-sino, na pagkarinig ay namungkahi? nguni't, hindi baga yaong lahat na nagsialis sa Egipto sa pamamagitan ni Moises? |
17. | At sino-sino ang kinagalitan niyang apat na pung taon? hindi baga yaong nangagkasala, na ang kanilang mga katawan ay nangabuwal sa ilang? |
18. | At sa kani-kanino isinumpa niyang hindi makapapasok sa kaniyang kapahingahan, kundi yaong mga nagsisuway? |
19. | At nakikita natin na sila'y hindi nangakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya. |
← Hebrews (3/13) → |