← Genesis (22/50) → |
1. | At nangyari pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya'y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako. |
2. | At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo. |
3. | At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios. |
4. | Nang ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at natanaw niya ang dakong yaon sa malayo. |
5. | At sinabi ni Abraham sa kaniyang mga alila, Maghintay kayo rito sangpu ng asno, at ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo. |
6. | At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kaniyang anak; at dinala sa kaniyang kamay ang apoy at ang sundang; at sila'y kapuwa yumaong magkasama. |
7. | At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, na sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi, Narito, ang apoy at ang kahoy, nguni't saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin? |
8. | At sinabi ni Abraham, Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin, anak ko: ano pa't sila'y kapuwa yumaong magkasama. |
9. | At sila'y dumating sa dakong sa kaniya'y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. |
10. | At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak. |
11. | At tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, Abraham, Abraham: at kaniyang sinabi, Narito ako. |
12. | At sa kaniya'y sinabi, Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka't talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak. |
13. | At itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata, at nagmalas, at narito, ang isang tupang lalake, sa dakong likuran niya na huli sa dawag sa kaniyang mga sungay: at pumaroon si Abraham, at kinuha ang tupa, at siyang inihandog na handog na susunugin na inihalili sa kaniyang anak. |
14. | At pinanganlan ni Abraham ang dakong yaon, ng Jehova-jireh: gaya ng kasabihan hanggang sa araw na ito: Sa bundok ng Panginoon ay mahahanda. |
15. | At tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham na ikalawa mula sa langit. |
16. | At sinabi, Sa aking sarili ay sumumpa ako, anang Panginoon, sapagka't ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak; |
17. | Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; |
18. | At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka't sinunod mo ang aking tinig. |
19. | Sa gayo'y nagbalik si Abraham sa kaniyang mga alila, at nagsitindig at samasamang nagsiparoon sa Beerseba; at tumahan si Abraham sa Beerseba. |
20. | At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ibinalita kay Abraham na sinasabi, Narito, si Milca rin naman ay nagkaroon ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid. |
21. | Si Huz ang kaniyang panganay, at si Buz na kaniyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram; |
22. | Si Chesed din naman, at si Hazo, at si Pildas, at si Jidlaph, at si Bethuel. |
23. | At naging anak ni Bethuel si Rebeca: ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nachor na kapatid ni Abraham. |
24. | At ipinanganak din naman ng kaniyang babae na tinatawag na Reuma, si Teba, at si Gaham, at si Taas at si Maacha. |
← Genesis (22/50) → |