← Genesis (18/50) → |
1. | At napakita ang Panginoon sa kaniya sa mga punong encina ni Mamre, habang siya'y nakaupo sa pintuan ng tolda, ng kainitan ng araw. |
2. | At itiningin ang kaniyang mga mata at nagmalas, at, narito't tatlong lalake ay nakatayo sa tabi niya: at pagkakita niya sa kanila, ay tinakbo niya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumukod siya sa lupa. |
3. | At nagsabi, Panginoon ko, kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mong lagpasan ang iyong lingkod. |
4. | Itulot mong dalhan kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at mangagpahinga kayo sa lilim ng kahoy. |
5. | At magdadala ako ng isang subong tinapay at inyong palakasin ang inyong puso; at pagkatapos ay magsisipagtuloy kayo: yamang kayo'y naparito sa inyong lingkod, At nagsipagsabi, Mangyari ang ayon sa iyong sinabi. |
6. | At si Abraham ay nagmadaling napasa tolda ni Sara, at sinabi, Maghanda ka agad ng tatlong takal ng mainam na harina, iyong tapayin at gawin mong mga munting tinapay. |
7. | At tumakbo si Abraham sa bakahan at nagdala ng isang bata at mabuting guya, at ibinigay sa alipin; at siya'y nagmadali, upang lutuin. |
8. | At siya'y kumuha ng mantekilla, at ng gatas, at ng guyang niluto niya, at inihain sa harapan nila; at siya'y tumayo sa siping nila sa lilim ng punong kahoy; at sila'y nagsikain. |
9. | At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon si Sara na iyong asawa? At sinabi niya Narito, nasa tolda. |
10. | At sinabi niya, Walang salang di ako babalik sa iyo sa ganitong panahon ng taong darating; at narito't si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalake. At narinig ni Sara sa pintuan ng tolda, na nasa likod niya. |
11. | Si Abraham at si Sara nga'y matatanda na, at lipas na sa panahon; at tinigilan na si Sara ng kaugalian ng mga babae. |
12. | At nagtawa si Sara sa kaniyang sarili, na sinasabi, Pagkatapos na ako'y tumanda ay magtatamo ako ng kaligayahan, at matanda na rin pati ng panginoon ko? |
13. | At sinabi ng Panginoon kay Abraham, Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, Tunay kayang ako'y manganganak, na matanda na ako? |
14. | May anomang bagay kayang napakahirap sa Panginoon? Sa tadhanang panahon ay babalik ako sa iyo, sa taong darating, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalake. |
15. | Nang magkagayo'y nagkaila si Sara, na sinasabi, Hindi ako tumawa, sapagka't siya'y natakot. Nguni't sinabi niya, Hindi gayon; kundi ikaw ay tumawa. |
16. | At nangagtindig doon ang mga lalake, at nangagsitingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham, upang ihatid sila sa daan. |
17. | At sinabi ng Panginoon, Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin; |
18. | Dangang si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa? |
19. | Sapagka't siya'y aking kinilala, upang siya'y magutos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sangbahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon, na gumawa ng kabanalan, at kahatulan; upang padatnin ng Panginoon, kay Abraham ang kaniyang ipinangako tungkol sa kaniya. |
20. | At sinabi ng Panginoon, Sapagka't ang sigaw ng Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagka't ang kasalanan nila ay napakalubha; |
21. | Ay bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga ang ayon sa sigaw na dumarating hanggang sa akin; at kung hindi ay aking malalaman. |
22. | At ang mga lalake ay nagsilayo roon at nagsitungo sa Sodoma datapuwa't si Abraham ay nakatayo pa sa harapan ng Panginoon. |
23. | At lumapit si Abraham, at nagsabi, Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama? |
24. | Kung sakaling may limang pung banal sa loob ng bayan: lilipulin mo ba, at di mo patatawarin ang dakong yaon, alangalang sa limang pung banal na nasa loob niyaon? |
25. | Malayo nawa sa iyo ang paggawa ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anopa't ang banal ay mapara sa masama; malayo nawa ito sa iyo: di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa? |
26. | At sinabi ng Panginoon, Kung makasumpong ako sa Sodoma ng limang pung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong dakong yaon, alangalang sa kanila. |
27. | At sumagot si Abraham, at nagsabi, Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang: |
28. | Kung sakaling magkukulang ng lima sa limang pung banal: lilipulin mo ba, dahil sa limang kulang, ang buong bayan? At sinabi niya, Hindi ko lilipulin kung makasumpong ako roon ng apat na pu't lima. |
29. | At siya'y muling nagsalita pa sa kaniya, at nagsabi, Marahil ay may masusumpungang apat na pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin, alangalang sa apat na pu. |
30. | At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita: kung sakaling may masusumpungan doong tatlong pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin kung makakasumpong ako roon ng tatlong pu. |
31. | At kaniyang sinabi, Narito ngayon, ako'y nangahas na magsalita sa Panginoon: kung sakaling may masusumpungan doong dalawang pu. At sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa dalawang pu. |
32. | At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan: kung sakaling may masusumpungan doong sangpu: at sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa sangpu. |
33. | At ang Panginoon ay nagpatuloy, pagkatapos na makipagusap kay Abraham: at si Abraham ay nagbalik sa kaniyang dako. |
← Genesis (18/50) → |