← Galatians (4/6) → |
1. | Nguni't sinasabi ko na samantalang ang tagapagmana ay bata, ay walang pagkakaibang anoman sa alipin bagama't siya'y panginoon ng lahat; |
2. | Datapuwa't nasa ilalim ng mga tagapagampon at ng mga tagapangasiwa hanggang sa panahong itinakda ng ama. |
3. | Gayon din naman tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y nasasakop ng pagkaalipin sa ilalim ng mga pasimulang aral ng sanglibutan. |
4. | Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan, |
5. | Upang matubos niya ang nangasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop sa mga anak. |
6. | At sapagka't kayo'y mga anak, ay sinugo ng Dios ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, na sumisigaw, Abba, Ama. |
7. | Ano pa't hindi ka na alipin, kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana ka nga sa pamamagitan ng Dios. |
8. | Gayon man nang panahong yaon, sa hindi ninyo pagkakilala sa Dios, kayo'y nasa pagkaalipin ng sa katutubo ay hindi mga dios: |
9. | Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin? |
10. | Ipinangingilin ninyo ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon. |
11. | Ako'y natatakot tungkol sa inyo, baka sa anomang paraan ay nagpagal ako sa inyo ng walang kabuluhan. |
12. | Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na kayo'y mangagsitulad sa akin, sapagka't ako'y katulad din ninyo. Wala kayong ginawa sa aking anomang kasamaan. |
13. | Datapuwa't nalalaman ninyo na dahil sa sakit ng laman, ay ipinangaral ko sa inyo ang evangelio nang pasimula: |
14. | At yaong sa inyo'y isang tukso sa aking laman ay hindi ninyo inalipusta, ni itinakuwil man; kundi ako'y tinanggap ninyong tulad sa isang anghel ng Dios, tulad kay Cristo Jesus. |
15. | Saan nga naroon yaong inyong kapalaran? sapagka't pinatototohanan ko sa inyo, na, kung mangyayari, ay inyong dinukit sana ang inyong mga mata at ibinigay sa akin. |
16. | Kaya nga ako baga'y naging kaaway ninyo, sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan? |
17. | May nangagmamalasakit sa inyo sa hindi mabuting akala; subali't, ang ibig nila ay ihiwalay kayo, upang ipagmalasakit ninyo sila. |
18. | Datapuwa't mabuti ang ipagmalasakit sa mabuting bagay sa lahat ng panahon, at hindi lamang samantalang ako'y kaharap ninyo. |
19. | Maliliit kong mga anak, na muli kong ipinagdaramdam sa panganganak hanggang si Cristo ay mabadha sa inyo. |
20. | Datapuwa't, ibig kong makaharap ninyo ako ngayon, at baguhin ang aking tinig; sapagka't ako'y nagaalinlangan tungkol sa inyo. |
21. | Sabihin ninyo sa akin, kayong nagsisipagnasang mapasa ilalim ng kautusan, hindi baga ninyo naririnig ang kautusan? |
22. | Sapagka't nasusulat, na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa'y sa aliping babae, at ang isa'y sa babaing malaya. |
23. | Gayon man ang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman; nguni't ang anak sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako. |
24. | Ang mga bagay na ito'y may lamang talinghaga: sapagka't ang mga babaing ito'y dalawang tipan; ang isa'y mula sa bundok ng Sinai, na nanganganak ng mga anak sa pagkaalipin, na ito'y si Agar. |
25. | Ang Agar ngang ito ay bundok ng Sinai sa Arabia, at ito'y katulad ng Jerusalem ngayon: sapagka't ito'y nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak. |
26. | Nguni't ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ina natin. |
27. | Sapagka't nasusulat, Magsaya ka, Oh baog na hindi nanganganak; Magbiglang umawit at humiyaw ka, ikaw na hindi nagdaramdam sa panganganak: Sapagka't higit pa ang mga anak ng pinabayaan kay sa mga anak ng may asawa. |
28. | At tayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak sa pangako. |
29. | Datapuwa't kung papaanong yaong ipinanganak ayon sa laman ay nagusig sa ipinanganak ayon sa espiritu, ay gayon din naman ngayon. |
30. | Gayon man ano ang sinasabi ng kasulatan? Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya. |
31. | Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya. |
← Galatians (4/6) → |