← Ezekiel (7/48) → |
1. | Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, |
2. | At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa lupain ng Israel, May wakas: ang wakas ay dumating sa apat na sulok ng lupain. |
3. | Ngayon ang wakas ay sumasaiyo at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan ka ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam. |
4. | At hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita; kundi aking parurusahan ang iyong mga lakad, at ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa ay malilitaw; at inyong malalaman na ako ang Panginoon. |
5. | Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang kasamaan, ang tanging kasamaan; narito, dumarating. |
6. | Ang wakas ay dumating, ang wakas ay dumating; ito'y gumigising laban sa iyo; narito, dumarating. |
7. | Ang parusa sa iyo ay dumarating, Oh mananahan sa lupain: ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay malapit na, kaarawan ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may hiyawan, sa ibabaw ng mga bundok. |
8. | Bigla ko ngang ibubugso sa iyo ang aking kapusukan, at aking gaganapin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam. |
9. | At ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: padadatnin ko sa iyo ang ayon sa iyong mga lakad; at ang iyong mga kasuklamsuklam ay dadanasin mo; at inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit. |
10. | Narito, ang kaarawan, narito, dumarating; ang hatol sa iyo ay ipinasiya; ang tungkod ay namulaklak, ang kapalaluan ay namuko. |
11. | Pangdadahas ay bumangon na naging pamalo ng kasamaan; walang malalabi sa kanila, o sa kanilang karamihan man, o sa kanilang kayamanan man: at hindi magkakaroon ng kahit karangalan sa kanila. |
12. | Ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay nalalapit: huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang manininda: sapagka't ang poot ay nasa lahat ng karamihan niyaon. |
13. | Sapagka't hindi na pagbabalikan ng manininda ang ipinagbili, bagaman sila'y buhay pa: sapagka't ang pangitain ay tungkol sa buong karamihan niyaon, walang babalik; at sinoman ay hindi magpapakalakas pa sa kasamaan ng kaniyang buhay. |
14. | Nagsihihip sila ng pakakak, at nagsihanda; nguni't walang naparoroon sa pagbabaka; sapagka't ang aking poot ay nasa buong karamihan niyaon. |
15. | Ang tabak ay nasa labas, at ang salot at ang kagutom ay nasa loob: siyang nasa parang ay mamamatay sa tabak; at siyang nasa bayan, kagutom at salot ay lalamon sa kaniya. |
16. | Nguni't silang nagsisitanan sa mga yaon ay tatanan, at mangapapasa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis, silang lahat ay nagsisitangis, bawa't isa'y dahil sa kaniyang kasamaan. |
17. | Lahat ng kamay ay manghihina, at lahat ng tuhod ay manglalata na gaya ng tubig. |
18. | Sila'y mangagbibigkis din naman ng kayong magaspang, at pangingilabot ay sasa kanila; at kahihiyan ay sasa lahat ng mukha, at pagkakalbo sa lahat nilang ulo. |
19. | Kanilang ihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay; ang kanilang pilak at ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng poot ng Panginoon: hindi nila maaaliw ang kanilang mga kaluluwa, o mabubusog man ang kanilang mga tiyan; sapagka't naging katitisuran ng kanilang kasamaan. |
20. | Tungkol sa ganda ng kaniyang gayak, inilagay niya sa kamahalan; nguni't kanilang ginawang mga larawan ang kanilang mga kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay: kaya't ginawa ko sa kanila na parang maruming bagay. |
21. | At aking ibibigay sa mga kamay ng mga taga ibang lupa na pinakahuli, at sa mga masama sa lupa na pinakasamsam; at kanilang lalapastanganin. |
22. | Ang aking mukha ay aking itatalikod naman sa kanila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako: at mga magnanakaw ay magsisipasok doon, at lalapastangan. |
23. | Gumawa ka ng tanikala; sapagka't ang lupain ay puno ng mga sala sa pagbububo ng dugo, at ang bayan ay puno ng pangdadahas. |
24. | Kaya't aking dadalhin ang mga pinakamasama ng mga bansa, at aariin nila ang kanilang mga bahay: akin namang patitigilin ang kapalaluan ng malakas, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin. |
25. | Kagibaan ay dumarating; at sila'y magsisihanap ng kapayapaan, at wala doon. |
26. | Kapanglawan at kapanglawan ay darating, at balita at balita ay darating; at sila'y magsisihanap ng pangitain ng propeta; nguni't ang kautusa'y mawawala sa saserdote, at ang payo'y mawawala sa mga matanda. |
27. | Ang hari ay tatangis, at ang prinsipe ay mananamit ng kapahamakan, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay mababagbag: aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kaugalian ay hahatulan ko sila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. |
← Ezekiel (7/48) → |