← Ezekiel (4/48) → |
1. | Ikaw naman, anak ng tao, kumuha ka ng isang losa, at ilagay mo sa harap mo, at gumuhit ka sa ibabaw ng isang bayan, sa makatuwid baga'y ng Jerusalem. |
2. | At kubkubin mo, at magtayo ka ng mga katibayan sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon; maglagay ka rin ng mga kampamento sa tapat noon; at magumang ka ng mga pangsaksak sa tapat noon sa palibot. |
3. | At magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo na pinakakutang bakal sa pagitan mo at ng bayan: at iharap mo ang iyong mukha sa dako niyaon, at makukubkob, at iyong kukubkubin. Ito ang magiging tanda sa sangbahayan ni Israel. |
4. | Bukod dito'y humiga ka ng patagilid sa iyong kaliwa at ilagay mo ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel doon; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga roon, magdadanas ka ng kanilang kasamaan. |
5. | Sapagka't aking itinakda ang mga taon ng kanilang kasamaan upang maging sa iyo'y isang bilang ng mga araw, sa makatuwid baga'y tatlong daan at siyam na pung araw: gayon mo dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel. |
6. | At muli, pagka iyong natapos ang mga ito, ikaw ay hihiga sa iyong tagilirang kanan, at iyong dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Juda; apat na pung araw, bawa't araw ay pinaka isang taon, aking itinakda sa iyo. |
7. | At iyong ihaharap ang iyong mukha sa pagkubkob ng Jerusalem na may lilis kang manggas; at ikaw ay manghuhula laban doon. |
8. | At, narito, ipinaglalagay kita ng lubid, at ikaw ay huwag magpapalikoliko mula sa isang dako hanggang sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga kaarawan ng iyong pagkubkob. |
9. | Magdala ka rin ng trigo, at ng cebada, at ng habas, at ng lentejas, at ng mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga sa iyong tagiliran, sa makatuwid baga'y tatlong daan at siyam na pung araw, iyong kakanin yaon. |
10. | At ang iyong pagkain na iyong kakanin ay magiging ayon sa timbang, dalawang pung siklo isang araw: araw-araw ay iyong kakanin. |
11. | At ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin: araw-araw ikaw ay iinom. |
12. | At iyong kakaning parang mga munting tinapay na cebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin. |
13. | At sinabi ng Panginoon, Ganito kakanin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila. |
14. | Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios! narito, ang aking kaluluwa ay hindi nadumhan, sapagka't mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay hindi ako kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig. |
15. | Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Tingnan mo, ibinigay ko sa iyo'y dumi ng baka na kahalili ng dumi ng tao, at iyong ihahanda ang iyong tinapay sa ibabaw niyaon. |
16. | Bukod dito'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, narito, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem: at sila'y magsisikain ng tinapay ayon sa timbang, at may pagkatakot; at magsisiinom sila ng tubig ayon sa takal, at manglulupaypay: |
17. | Upang sila'y mangailangan ng tinapay at tubig, at manglupaypay na magkakasama, at manganlata sa kanilang kasamaan. |
← Ezekiel (4/48) → |