← Exodus (25/40) → |
1. | At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, |
2. | Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa akin ng isang handog: ang bawa't tao na maganyak ang puso sa kagandahang loob ay kukunan ninyo ng handog sa akin. |
3. | At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila; ginto, at pilak, at tanso; |
4. | At kayong bughaw, kulay-ube, at pula, at lino at balahibo ng kambing; |
5. | At mga balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, at mga balat ng poka, at kahoy na akasia; |
6. | Langis sa ilawan, mga espesia sa langis na pangpahid, at sa mabangong pangsuob; |
7. | Mga batong onix, at mga batong pangkalupkop sa efod, at sa pektoral. |
8. | At kanilang igawa ako ng isang santuario; upang ako'y makatahan sa gitna nila. |
9. | Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyo ng tabernakulo at sa anyo ng lahat ng kasangkapan niyaon ay gayon ninyo gagawin. |
10. | At sila'y gagawa ng isang kaban na kahoy na akasia: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko't kalahati ang taas niyaon. |
11. | At iyong babalutin ng taganas na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo sa ibabaw ng isang kornisa sa palibot. |
12. | At ipagbububo mo ng apat na argolyang ginto, at ipaglalagay mo sa apat na paa niyaon, at dalawang argolya ang mapapasa isang tagiliran niyaon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyaon. |
13. | At gagawa ka ng mga pingga na kahoy na akasia at iyong babalutin ng ginto. |
14. | At iyong isusuot ang mga pingga sa loob ng mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban. |
15. | Ang mga pingga ay masusuot sa loob ng mga argolya ng kaban: hindi aalisin doon. |
16. | At iyong isisilid sa kaban ang mga kinalalagdaan ng patotoo na aking ibibigay sa iyo. |
17. | At gagawa ka ng isang luklukan ng awa, na taganas na ginto: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon. |
18. | At gagawa ka ng dalawang querubing ginto; na yari sa pamukpok iyong gagawin, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa. |
19. | At gawin mo ang isang querubin sa isang dulo, at ang isang querubin sa kabilang dulo: kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga querubin sa dalawang dulo niyaon. |
20. | At ibubuka ng mga querubin ang kanilang pakpak na paitaas, na nilililiman ang luklukan ng awa, ng kanilang mga pakpak, na ang kanilang mukha ay nagkakaharap, sa dakong luklukan ng awa ihaharap ang mga mukha ng mga querubin. |
21. | At iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban, ay iyong ilalagay ang mga kinalalagdaan ng patotoo, na aking ibibigay sa iyo. |
22. | At diya'y makikipagkita ako sa iyo, at makikipanayam sa iyo mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang querubin na nangasa ibabaw ng kaban ng patotoo, tungkol sa lahat ng mga bagay na ibibigay ko sa iyong utos sa mga anak ni Israel. |
23. | At gagawa ka ng isang dulang na kahoy na akasia: na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon. |
24. | At iyong babalutin ng taganas na ginto, at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot. |
25. | At igagawa mo ng isang gilid na may isang palad ng kamay ang luwang sa palibot, at igagawa mo ng isang kornisang ginto ang palibot ng gilid niyaon. |
26. | At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon. |
27. | Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pingga, upang madala ang dulang. |
28. | At gagawin mo ang mga pingga na kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto, upang ang dulang ay madala ng mga yaon. |
29. | At gagawa ka ng mga pinggan niyaon, at ng mga kutsara niyaon, at ng mga kopa niyaon, at ng mga tasa niyaon na pagbubuhusan; na iyong gagawing taganas na ginto. |
30. | At ilalagay mo sa dulang ang tinapay na handog sa harap ko na palagi. |
31. | At gagawa ka ng isang kandelerong taganas na ginto: yari sa pamukpok gagawin mo ang kandelero, ang tuntungan niyaon, at ang haligi niyaon; ang mga kopa niyaon, ang mga globito niyaon at ang mga bulaklak niyaon ay mga kaputol: |
32. | At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyaon; tatlong sanga ng kandelero'y sa isang tagiliran niyaon, at ang tatlong sanga ng kandelero ay sa kabilang tagiliran niyaon: |
33. | At magkakaroon ng tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang globito at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang globito at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas sa kandelero. |
34. | At sa haligi ng kandelero'y magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, sangpu ng mga globito niyaon, at ng mga bulaklak niyaon: |
35. | At magkakaroon ng isang globito sa ilalim ng dalawa sa mga sanga, at isang globito sa ilalim ng kabilang dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng dalawang sangang nalalabi ayon sa anim na sanga na lumalabas sa kandelero. |
36. | Ang magiging mga globito at mga sanga niyaon ay kaputol: kabuoan niyaon ay isa lamang putol na yari sa pamukpok, na taganas na ginto. |
37. | At igagawa mo ng kaniyang mga ilawan, na pito: at kanilang sisindihan ang mga ilawan niyaon, upang lumiwanag sa dakong tapat ng kandelero. |
38. | At ang magiging mga gunting at mga pinggan niyaon ay taganas na ginto. |
39. | Isang talentong taganas na ginto gagawin, sangpu ng lahat ng kasangkapang ito. |
40. | At ingatan mo, na iyong gawin ayon sa anyo ng mga yaon na ipinakita sa iyo sa bundok. |
← Exodus (25/40) → |