← Exodus (21/40) → |
1. | Ito nga ang mga hatol na igagawad mo sa harap nila. |
2. | Kung ikaw ay bumili ng isang aliping Hebreo, ay anim na taong maglilingkod siya; at sa ikapito ay aalis siyang laya na walang sauling bayad. |
3. | Kung siya'y pumasok na magisa, ay aalis na mag-isa: kung may asawa ay aalis nga ang kaniyang asawa na kasama niya. |
4. | Kung siya'y bigyan ng kaniyang panginoon ng asawa, at magkaanak sa kaniya ng mga lalake, o mga babae; ang asawa at ang kaniyang mga anak ay magiging sa kaniyang panginoon, at siya'y aalis na magisa. |
5. | Datapuwa't kung maliwanag na sabihin ng alipin, Aking iniibig ang aking panginoon, ang aking asawa, at ang aking mga anak; ako'y hindi aalis na laya: |
6. | Kung magkagayo'y dadalhin siya ng kaniyang panginoon sa Dios, at dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga ng isang pangbutas; at paglilingkuran niya siya magpakailan man. |
7. | At kung ipagbili ng isang lalake ang kaniyang anak na babae na maging alipin, ay hindi siya aalis na gaya ng pagalis ng mga aliping lalake. |
8. | Kung siya'y hindi makapagpalugod sa kaniyang panginoon, na umayaw magasawa sa kaniya, ay ipatutubos nga niya siya: walang kapangyarihang ipagbili siya sa isang taga ibang lupa, yamang siya'y nadaya. |
9. | At kung pinapag-asawa ng bumili sa kaniyang anak na lalake, ay kaniyang ipalalagay siya ng ayon sa kaugalian sa mga anak na babae. |
10. | Kung siya'y magasawa sa iba, ang kaniyang pagkain, ang kaniyang damit at ang kaniyang kapangyarihang pagkaasawa ay hindi niya babawasan. |
11. | At kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito sa kaniya ay aalis nga siya na walang bayad, na walang tubos na salapi. |
12. | Ang sumakit sa isang tao, na ano pa't mamatay ay papataying walang pagsala. |
13. | At kung hindi sinasadya ng isang tao, kundi Dios ang naghulog sa kaniyang kamay; ay lalaanan kita ng isang dako na kaniyang tatakasan. |
14. | At kung magtangka ang sinoman sa kaniyang kapuwa, na pumatay na may daya, ay alisin mo siya sa aking dambana, upang patayin. |
15. | At ang sumakit sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala. |
16. | At ang magnakaw ng isang tao, at ipagbili, o masumpungan sa kaniyang kamay, ay papataying walang pagsala. |
17. | At ang lumait sa kaniyang ama, o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala. |
18. | At kung may magbabag, at saktan ng isa ang isa, ng bato, o ng kaniyang suntok, at hindi mamatay, kundi mahiga lamang sa banig: |
19. | Kung makabangon uli, at makalakad sa tulong ng kaniyang tungkod, ay ligtas nga yaong sumakit sa kaniya; pagbabayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kaniyang pagagalinging maigi. |
20. | At kung saktan ng sinoman ang kaniyang aliping lalake o babae, ng tungkod at mamatay sa kaniyang kamay; ay parurusahan siyang walang pagsala. |
21. | Gayon ma'y kung tumagal ng isang araw o dalawa, ay hindi siya parurusahan: sapagka't siya'y kaniyang salapi. |
22. | At kung may magbabag, at makasakit ng isang babaing buntis, na ano pa't makunan, at gayon ma'y walang karamdamang sumunod: ay tunay na papagbabayarin siya, ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom. |
23. | Datapuwa't kung may anomang karamdamang sumunod, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay, |
24. | Mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa, |
25. | Paso kung paso, sugat kung sugat, bugbog kung bugbog. |
26. | At kung saktan ng sinoman ang mata ng kaniyang aliping lalake, o ang mata ng kaniyang aliping babae at mabulag, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang mata. |
27. | At kung kaniyang bungalan ang kaniyang aliping lalake, o babae, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang ngipin. |
28. | At kung ang isang baka ay manuwag ng isang lalake o ng isang babae, na ano pa't mamatay, ay babatuhing walang pagsala ang baka at ang kaniyang lama'y hindi kakanin; datapuwa't ang may-ari ng baka ay maliligtas. |
29. | Datapuwa't kung ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at naisumbong na sa may-ari at hindi niya kinulong, na ano pa't makamatay ng isang lalake, o isang babae: ay babatuhin ang baka at ang may-ari naman ay papatayin. |
30. | Kung siya'y atangan ng katubusan ay magbibigay nga siya ng katubusan sa kaniyang buhay anomang iatang sa kaniya. |
31. | Maging manuwag sa isang anak na lalake o babae man, ay gagawin sa kaniya ayon sa kahatulang ito. |
32. | Kung ang baka ay manuwag sa isang aliping lalake o babae, ay magbabayad ang may-ari ng tatlong pung siklong pilak sa kanilang panginoon, at ang baka ay babatuhin. |
33. | At kung ang sinoman ay magbubukas ng isang balon, o huhukay ng isang balon at hindi tatakpan, at ang isang baka, o ang isang asno ay mahulog sa loob, |
34. | Ay sasaulian ng may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari ng mga yaon, at ang patay na hayop ay magiging kaniya. |
35. | At kung ang baka ng sinoman ay sumakit sa baka ng iba, na ano pa't mamatay; ay kanila ngang ipagbibili ang bakang buhay, at kanilang paghahatiin ang halaga niyaon; at ang patay ay paghahatiin din nila. |
36. | O kung kilala, na ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at hindi kinulong ng may-ari; ay tunay ngang magbabayad siya, ng baka kung baka, at ang patay na hayop ay magiging kaniyang sarili. |
← Exodus (21/40) → |