← Ephesians (3/6) → |
1. | Dahil dito, akong si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus dahil sa inyong mga Gentil, |
2. | Kung tunay na inyong narinig yaong pagiging katiwala sa biyaya ng Dios na sa akin ay ibinigay sa ikagagaling ninyo; |
3. | Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala sa akin ang hiwaga, gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita. |
4. | Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala sa hiwaga ni Cristo; |
5. | Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu; |
6. | Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio, |
7. | Na dito'y ginawa akong ministro, ayon sa kaloob ng biyayang yaon ng Dios na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan. |
8. | Sa akin, na ako ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo; |
9. | At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay; |
10. | Upang ngayo'y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios, |
11. | Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin: |
12. | Na sa kaniya'y mayroon tayong lakas ng loob at pagpasok na may pagasa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya. |
13. | Kaya nga ipinamamanhik ko na huwag kayong manglupaypay sa mga kapighatian ko dahil sa inyo, na pawang kapurihan ninyo. |
14. | Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, |
15. | Na sa kaniya'y kumukuha ng pangalan ang bawa't sangbahayan sa langit at sa lupa, |
16. | Upang sa inyo'y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob; |
17. | Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo'y magugat at magtumibay sa pagibig. |
18. | Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim, |
19. | At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios. |
20. | Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin, |
21. | Ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa buong panahon magpakailan man. Siya nawa. |
← Ephesians (3/6) → |