← Ecclesiastes (3/12) → |
1. | Sa bawa't bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa't panukala sa silong ng langit: |
2. | Panahon ng kapanganakan, at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim, at panahon ng pagbunot ng itinanim; |
3. | Panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling; panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo; |
4. | Panahon ng pagiyak, at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw; |
5. | Panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagpipisan ng mga bato; panahon ng pagyakap, at panahon ng pagpipigil sa pagyakap; |
6. | Panahon ng paghanap, at panahon ng pagkawala: panahon ng pagiingat, at panahon ng pagtatapon; |
7. | Panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi; panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita; |
8. | Panahon ng pagibig, at panahon ng pagtatanim; panahon ng digma, at panahon ng kapayapaan. |
9. | Anong pakinabang ang tinatamo niya, na gumagawa sa kaniyang pinagpapagalan? |
10. | Aking nakita ang sakit na ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao upang pagsanayan. |
11. | Ginawa niya ang bawa't bagay na maganda sa kapanahunan niyaon: inilagay rin niya ang sanglibutan sa kanilang puso, na anopa't hindi matalos ng tao ang gawa na ginawa ng Dios mula sa pasimula hanggang sa wakas. |
12. | Nalalaman ko, na walang maigi sa kanila, kay sa magalak, at gumawa ng mabuti habang sila'y nabubuhay. |
13. | At ang bawa't tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Dios. |
14. | Nalalaman ko, na anomang ginagawa ng Dios, magiging magpakailan pa man: walang bagay na maidadagdag, o anomang bagay na maaalis: at ginawa ng Dios, upang ang tao ay matakot sa harap niya. |
15. | Ang nangyari sa nagdaan ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na rin; at hinahanap uli ng Dios ang nakaraan na. |
16. | At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw, sa dako ng kahatulan, na nandoon ang kasamaan; at sa dako ng katuwiran, na nandoon ang kasamaan. |
17. | Sinabi ko sa puso ko, Hahatulan ng Dios ang matuwid at ang masama: sapagka't may panahon doon sa bawa't panukala at sa bawa't gawa. |
18. | Sinabi ko sa puso ko, Dahil sa mga anak ng mga tao, upang subukin sila ng Dios, at upang kanilang makita na sila'y mga hayop lamang. |
19. | Sapagka't ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop: sa makatuwid baga'y isang bagay ang nangyari sa kanila: kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; oo, silang lahat ay may isang hininga; at ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop: sapagka't lahat ay walang kabuluhan. |
20. | Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nangauuwi sa alabok uli. |
21. | Sinong nakakaalam ng diwa ng tao kung napaiilanglang, at ng diwa ng hayop kung napaiibaba sa lupa? |
22. | Kaya't aking nakita, na walang bagay na maigi, kundi ang tao ay magalak sa kaniyang mga gawa; sapagka't siyang kaniyang bahagi: sapagka't sinong magbabalik sa kaniya upang makita ang mangyayari pagkamatay niya? |
← Ecclesiastes (3/12) → |