← Ecclesiastes (11/12) → |
1. | Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan: sapagka't iyong masusumpungan pagkaraan ng maraming araw. |
2. | Magbigay ka ng bahagi sa pito, oo, sa walo; sapagka't hindi mo nalalaman kung anong kasamaan ang mangyayari sa lupa. |
3. | Kung ang mga alapaap ay mapuno ng ulan, ay tumutulo sa lupa: at kung ang punong kahoy ay mabuwal sa dakong timugan, o sa dakong hilagaan sa dakong kabuwalan ng kahoy, ay doon ito mamamalagi. |
4. | Ang nagmamalas sa hangin ay hindi maghahasik; at ang tumitingin sa mga alapaap ay hindi aani. |
5. | Kung paanong hindi mo nalalaman kung ano ang daan ng hangin o kung paano mang lumalaki ang mga buto sa bahay-bata ng buntis; gayon hindi mo nalalaman ang gawa ng Dios na gumagawa sa lahat. |
6. | Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi, at huwag mong iurong ang iyong kamay sa hapon; sapagka't hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o yaon, o kung kapuwa magiging mabuti. |
7. | Tunay na ang liwanag ay mainam, at masayang bagay sa mga mata na magsitingin sa araw. |
8. | Oo, kung ang tao ay mabuhay ng maraming taon, magalak siya sa lahat ng yaon; nguni't alalahanin niya ang mga kaarawan ng kadiliman, sapagka't magiging marami. Lahat ng dumarating ay walang kabuluhan. |
9. | Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan: at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga lakad ng iyong kalooban, at sa paningin ng iyong mga mata: nguni't talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Dios sa kahatulan. |
10. | Kaya't ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso, at alisin mo ang kasamaan sa iyong katawan: sapagka't ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan. |
← Ecclesiastes (11/12) → |