← Deuteronomy (33/34) → |
1. | At ito ang basbas na ibinasbas ni Moises, tao ng Dios, sa mga anak ni Israel bago siya namatay. |
2. | At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai, At bumangon mula sa Seir na patungo sa kanila; Siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran, At siya'y nanggaling sa laksa-laksa ng mga banal: Sa kaniyang kanan, ay may hawak na isang mahigpit na kautusan sa kanila. |
3. | Oo't kaniyang iniibig ang bayan: Lahat ng kaniyang mga banal ay nasa iyong kamay: At sila'y umupo sa iyong paanan; Na bawa't isa'y tatanggap ng iyong mga salita. |
4. | Si Moises ay nagutos sa atin ng isang kautusan, Na mana sa kapisanan ng Jacob. |
5. | At siya'y hari sa Jeshurun, Nang magkatipon ang mga pangulo ng bayan, Sangpu ng lahat ng mga lipi ni Israel. |
6. | Mabuhay nawa ang Ruben, at huwag mamatay; Gayon ma'y kumaunti nawa ang kaniyang mga tao. |
7. | At ito ang basbas sa Juda; at kaniyang sinabi, Dinggin mo, Panginoon, ang tinig ng Juda, At padatnin mo sa kaniyang bayan: Sukat na sa kaniya ang kaniyang mga kamay; At ikaw ay maging tulong laban sa kaniyang mga kaalit. |
8. | At tungkol sa Levi ay kaniyang sinabi, Ang iyong Thummim at ang iyong Urim ay sumaiyong banal, Na siyang iyong sinubok sa Massa, Na siya mong kinatunggali sa tubig ng Meriba; |
9. | Na siyang nagsabi tungkol sa kaniyang ama, at tungkol sa kaniyang ina, Hindi ko siya nakita; Ni kinilala niya ang kaniyang mga kapatid, Ni kinilala niya ang kaniyang sariling mga anak; Sapagka't kanilang sinunod ang iyong salita, At ginaganap ang iyong tipan. |
10. | Sila'y magtuturo sa Jacob ng iyong mga kahatulan, At ng iyong mga kautusan, sa Israel; Sila'y maglalagay ng kamangyan sa harap mo, At ng buong handog na susunugin sa ibabaw ng iyong dambana. |
11. | Basbasan mo, Panginoon, ang kaniyang tinatangkilik, At tanggapin mo ang gawa ng kaniyang mga kamay; Saktan mo ang mga balakang niyaong nagsisibangon laban sa kaniya, At niyaong nangapopoot sa kaniya, upang sila'y huwag bumangon uli. |
12. | Tungkol sa Benjamin, ay kaniyang sinabi, Ang minamahal ng Panginoon ay tatahang ligtas sa siping niya; Siya'y kakanlungan niya buong araw, At siya'y mananahan sa pagitan ng kaniyang mga balikat. |
13. | At tungkol sa Jose ay kaniyang sinabi, Pagpalain nawa ng Panginoon ang kaniyang lupain, Sa mga mahalagang bagay ng langit, sa hamog, At sa kalaliman na nasa ilalim niya, |
14. | At sa mga mahalagang bagay na pinatubo ng araw, At sa mga mahalagang bagay na pinatubo ng buwan, |
15. | At sa pinakamarikit na mga bagay ng matandang bundok, At sa mga mahalagang bagay ng mga burol na walang hanggan, |
16. | At sa mga mahalagang bagay ng lupa at ng kapunuan niyaon, At ang mabuting kalooban niyaong tumahan sa mababang punong kahoy: Sumaulo nawa ni Jose ang kapalaran, At sa tuktok ng ulo niya na hiwalay sa kaniyang mga kapatid. |
17. | Ang panganay ng kaniyang baka, na may kamahalan; At ang mga sungay niyaon ay parang mga sungay ng mabangis na toro: Siya niyang ipantutulak sa mga bayan, lahat sa kanila, kahit na nasa mga hangganan ng lupa: At sila ang laksa-laksa ng Ephraim, At sila ang libolibo ng Manases. |
18. | At tungkol sa Zabulon ay kaniyang sinabi, Magalak ka, Zabulon, sa iyong paglabas; At ikaw, Issachar, sa iyong mga tolda. |
19. | Kanilang tatawagin ang mga bayan sa bundok; Doo'y maghahandog sila ng mga hain ng katuwiran: Sapagka't kanilang hihititin ang mga kasaganaan ng mga dagat, At ang natatagong kayamanan sa buhanginan. |
20. | At tungkol sa Gad, ay kaniyang sinabi, Pagpalain yaong magpalaki sa Gad: Siya'y tumatahan parang isang leona, At dudurog ng bisig, sangpu ng bao ng ulo. |
21. | At kaniyang inagap ang unang bahagi para sa kaniya, Sapagka't doon natago ang bahagi ng gumagawa ng kautusan; At siya'y pumaroong kasama ng mga pangulo ng bayan, Kaniyang isinagawa ang katuwiran ng Panginoon, At ang kaniyang mga kahatulan sa Israel. |
22. | At tungkol sa Dan ay kaniyang sinabi, Ang Dan ay anak ng leon, Na lumukso mula sa Basan. |
23. | At tungkol sa Nephtali ay kaniyang sinabi, Oh Nephtali, busog ng lingap, At puspos ng pagpapala ng Panginoon: Ariin mo ang kalunuran at ang timugan. |
24. | At tungkol sa Aser ay kaniyang sinabi, Pagpalain nawa sa mga anak ang Aser, Mahalin nawa siya ng kaniyang mga kapatid, At ilubog ang kaniyang paa sa langis. |
25. | Ang iyong mga halang ay magiging bakal at tanso; At kung paano ang iyong mga kaarawan ay magkagayon nawa ang iyong lakas. |
26. | Walang gaya ng Dios, Oh Jeshurun, Na sumasakay sa langit dahil sa pagtulong sa iyo, At sa himpapawid dahil sa kaniyang karangalan. |
27. | Ang walang hanggang Dios ay iyong dakong tahanan, At sa ibaba'y ang walang hanggang mga bisig: At kaniyang itinutulak sa harap mo ang kaaway, At sinabi, Lansagin mo. |
28. | At ang Israel ay tumatahang tiwala, Ang bukal ng Jacob na nagiisa, Sa isang lupain ng trigo at alak; Oo't, ang kaniyang mga langit ay nagbababa ng hamog. |
29. | Maginhawa ka, Oh Israel: Sino ang gaya mo, bayang iniligtas ng Panginoon, Ng kalasag na iyong tulong, At siyang tabak ng iyong karangalan! At ang iyong mga kaaway ay susuko sa iyo: At ikaw ay tutungtong sa kanilang mga matataas na dako. |
← Deuteronomy (33/34) → |