← Deuteronomy (28/34) → |
1. | At mangyayaring kung iyong didingging masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang isagawa ang lahat niyang utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay itataas ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bansa sa lupa: |
2. | At ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios. |
3. | Magiging mapalad ka sa bayan, at magiging mapalad ka sa parang. |
4. | Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, at ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan. |
5. | Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong palayok. |
6. | Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok, at magiging mapalad ka sa iyong paglabas. |
7. | Pasasaktan ng Panginoon sa harap mo ang iyong mga kaaway na nagbabangon laban sa iyo: sila'y lalabas laban sa iyo sa isang daan at tatakas sa harap mo sa pitong daan. |
8. | Igagawad sa iyo ng Panginoon ang kaniyang pagpapala sa iyong mga kamalig, at sa lahat ng pagpatungan mo ng iyong kamay at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios. |
9. | Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan sa kaniya, gaya ng kaniyang isinumpa sa iyo; kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, at lalakad ka sa kaniyang mga daan. |
10. | At makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa, na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon at sila'y matatakot sa iyo. |
11. | At ikaw ay pasasaganain ng Panginoon, sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang upang ibigay sa iyo. |
12. | Bubuksan ng Panginoon sa iyo ang kaniyang mabuting kayamanan, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang buong gawa ng iyong kamay; at ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram. |
13. | At gagawin ka ng Panginoon na ulo at hindi buntot, at ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim; kung iyong didinggin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong sundin at gawin; |
14. | At huwag kang lilihis sa anoman sa mga salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga dios na paglilingkuran sila. |
15. | Nguni't mangyayari, na kung hindi mo didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isasagawa ang lahat ng kaniyang mga utos at ang kaniyang palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo. |
16. | Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang. |
17. | Susumpain ang iyong buslo at ang iyong palayok. |
18. | Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan. |
19. | Susumpain ka sa iyong pagpasok, at susumpain ka sa iyong paglabas. |
20. | Ibubugso ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang kalituhan, at ang saway, sa lahat ng pagpapatungan ng iyong kamay na iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal, at hanggang sa ikaw ay malipol na madali; dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, na sa gayo'y pinabayaan mo ako. |
21. | Ikakapit sa iyo ng Panginoon ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa, na iyong pinapasok upang ariin. |
22. | Sasalutin ka ng Panginoon ng sakit na tuyo, at ng lagnat, at ng pamamaga, at ng nagaapoy na init, at ng tabak, at ng salot ng hangin, at ng sakit sa pagani; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol. |
23. | At ang iyong langit na nasa itaas ng iyong ulo, ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal. |
24. | Ang ipauulan ng Panginoon sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa sa iyo, hanggang sa ikaw ay magiba. |
25. | Pasasaktan ka ng Panginoon sa harap ng iyong mga kaaway; ikaw ay lalabas sa isang daan laban sa kanila, at tatakas sa pitong daan sa harap nila: at ikaw ay papagpaparoo't parituhin sa lahat ng mga kaharian sa lupa. |
26. | At ang iyong bangkay ay magiging pagkain sa lahat ng mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang taong bubugaw sa kanila. |
27. | Sasalutin ka ng Panginoon ng bukol sa Egipto, at ng mga grano, at ng kati, at ng galis, na hindi mapagagaling. |
28. | Sasaktan ka ng Panginoon ng pagkaulol, at ng pagkabulag, at ng pagkagulat ng puso; |
29. | At ikaw ay magaapuhap sa katanghaliang tapat na gaya ng bulag na nagaapuhap sa kadiliman, at hindi ka giginhawa sa iyong mga lakad: at ikaw ay mapipighati at sasamsaman kailan man, at walang taong magliligtas sa iyo. |
30. | Ikaw ay magaasawa, at ibang lalake ang sisiping sa kaniya: ikaw ay magtatayo ng isang bahay, at hindi mo tatahanan: ikaw ay maguubasan, at hindi mo mapapakinabangan ang bunga niyaon. |
31. | Ang iyong baka ay papatayin sa harap ng iyong mga mata, at hindi mo makakain yaon; ang iyong asno ay aagawin sa harap ng iyong mukha, at hindi na masasauli sa iyo: ang iyong tupa ay mabibigay sa iyong mga kaaway, at walang magliligtas sa iyo. |
32. | Ang iyong mga anak na lalake at babae ay magbibigay sa ibang bayan; at ang iyong mga mata ay titingin, at mangangalay ng paghihintay sa kanila sa buong araw: at ang iyong kamay ay walang magagawa. |
33. | Ang bunga ng iyong lupa, at lahat ng iyong gawa ay kakanin ng bansang di mo nakikilala; at ikaw ay mapipighati at magigipit na palagi: |
34. | Na anopa't ikaw ay mauulol dahil sa makikita ng paningin ng iyong mga mata. |
35. | Sasaktan ka ng Panginoon sa mga tuhod at sa mga hita, ng isang masamang bukol na hindi mo mapagagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa bao ng iyong ulo. |
36. | Dadalhin ka ng Panginoon, at ang iyong haring ilalagay mo sa iyo, sa isang bansang hindi mo nakilala, ninyo ng iyong mga magulang at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga dios, na kahoy at bato. |
37. | At ikaw ay magiging isang kamanghaan, isang kawikaan, at isang kabiruan sa lahat ng bayang pagdadalhan sa iyo ng Panginoon. |
38. | Kukuha ka ng maraming binhi sa bukid, at kaunti ang iyong titipunin; sapagka't uubusin ng balang. |
39. | Ikaw ay maguubasan at iyong aalagaan, nguni't ni hindi ka iinom ng alak, ni mamimitas ng ubas; sapagka't kakanin yaon ng uod. |
40. | Magkakaroon ka ng mga puno ng olibo sa lahat ng iyong mga hangganan, nguni't hindi ka magpapahid ng langis; sapagka't ang iyong olibo ay malalagasan ng buko. |
41. | Ikaw ay magkakaanak ng mga lalake at mga babae, nguni't sila'y hindi magiging iyo; sapagka't sila'y yayaon sa pagkabihag. |
42. | Lahat ng iyong puno ng kahoy at bunga ng iyong lupa ay aariin ng balang. |
43. | Ang taga ibang lupa na nasa gitna mo ay tataas ng higit at higit sa iyo, at ikaw ay pababa ng pababa ng pababa. |
44. | Siya'y magpapahiram sa iyo, at ikaw ay hindi makapagpapahiram sa kaniya: siya'y magiging ulo, at ikaw ay magiging buntot. |
45. | At lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka, at aabutan ka, hanggang sa magiba ka; sapagka't hindi mo dininig ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang tuparin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na kaniyang iniutos sa iyo: |
46. | At ang mga yao'y magiging isang tanda at isang kababalaghan sa iyo, at sa iyong lahi magpakailan man: |
47. | Sapagka't hindi ka naglingkod sa Panginoon mong Dios na may kagalakan, at may kasayahan ng puso, dahil sa kasaganaan ng lahat ng mga bagay: |
48. | Kaya't maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng Panginoon laban sa iyo, na may gutom, at uhaw, at kahubaran, at sa kakulangan ng lahat ng mga bagay: at lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya. |
49. | Magdadala ang Panginoon ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo, mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng lumilipad ang aguila; isang bansang ang wika'y hindi mo nababatid; |
50. | Bansang mukhang mabangis, na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni magpapakundangan sa bata: |
51. | At kaniyang kakanin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa maibuwal ka; na wala ring matitira sa iyong trigo, alak, o langis, ng karagdagan ng iyong bakahan, o ng anak ng iyong kawan, hanggang sa ikaw ay maipalipol. |
52. | At kaniyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang-daan, hanggang sa ang iyong mataas at nakababakod na kuta ay malagpak, na siyang iyong inaasahan, sa iyong buong lupain; at kaniyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang-bayan sa iyong buong lupain, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios. |
53. | At kakain ka ng bunga ng iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalake at babae, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, sa pagkakubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway. |
54. | Ang lalaking mahabagin sa gitna mo, at totoong maramdamin, ay magiging masama ang kaniyang mata sa kaniyang kapatid, at sa asawa ng kaniyang sinapupunan, at sa labis sa kaniyang mga anak na ititira: |
55. | Na anopa't hindi niya ibibigay sa kaninoman sa kanila ang laman ng kaniyang mga anak na kaniyang kakanin, sapagka't walang natira sa kaniya, sa pagkubkob at sa kagipitan na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa lahat ng iyong mga pintuang-bayan. |
56. | Ang mahabagin at maramdaming babae sa gitna mo, na hindi pa natitikmang itungtong ang talampakan ng kaniyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagkamahabagin, ay magiging masama ang kaniyang mata sa asawa ng kaniyang sinapupunan, at sa kaniyang anak na lalake, at babae; |
57. | At sa kaniyang sanggol na lumalabas sa pagitan ng kaniyang mga paa at sa kaniyang mga anak na kaniyang ipanganganak; sapagka't kaniyang kakanin ng lihim sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga pintuang-bayan. |
58. | Kung hindi mo isasagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, Ang Panginoon Mong Dios. |
59. | Kung magkagayo'y gagawin ng Panginoon na kamanghamangha ang salot sa iyo, at ang salot sa iyong binhi, malaking salot, at totoong malaon, at kakilakilabot na sakit, at totoong malaon. |
60. | At kaniyang pararatingin uli sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Egipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo. |
61. | Bawa't sakit din naman, at bawa't salot, na hindi nasusulat sa aklat ng kautusang ito'y pararatingin nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay maibuwal. |
62. | At kayo'y malalabing kaunti sa bilang, pagkatapos na kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagka't hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon mong Dios. |
63. | At mangyayari, na kung paanong ang Panginoon ay nagagalak sa inyo na gawin kayong mabuti at paramihin kayo: ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na ipalipol kayo, at ibuwal kayo; at kayo'y palalayasin sa lupa na inyong pinapasok upang ariin. |
64. | At pangangalatin ka ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga dios, na hindi mo nakilala, ninyo ng inyong mga magulang, sa makatuwid baga'y sa mga dios na kahoy at bato. |
65. | At sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa: kundi bibigyan ka ng Panginoon doon ng sikdo ng puso, at pangangalumata, at panglalambot ng kaluluwa: |
66. | At ang iyong buhay ay mabibitin sa pagaalinglangan sa harap mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiwalaan ang iyong buhay. |
67. | Sa kinaumagaha'y iyong sasabihin, Kahi manawari ay gumabi na! at sa kinagabiha'y iyong sasabihin, Kahi manawari ay umumaga na! dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa paningin ng iyong mga mata na iyong ikakikita. |
68. | At pababalikin ka ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng sasakyan, sa daan na aking sinabi sa iyo, Hindi mo na uli makikita; at doo'y pabibili kayo sa inyong mga kaaway na pinaka aliping lalake, at babae, at walang taong bibili sa inyo. |
← Deuteronomy (28/34) → |