← Amos (5/9) → |
1. | Dinggin ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel. |
2. | Ang dalaga ng Israel ay nabuwal; siya'y hindi na magbabangon pa, siya'y nahagis sa kaniyang lupain; walang magbangon sa kaniya. |
3. | Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang bayan na lalabas na isang libo, maiiwang isang daan, at ang lalabas na isang daan ay maiiwang sangpu, sa sangbahayan ni Israel. |
4. | Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon sa sangbahayan ni Israel; Hanapin ninyo ako, at kayo'y mangabubuhay; |
5. | Nguni't huwag ninyong hanapin ang Beth-el, ni magsipasok man sa Gilgal, at huwag kayong magsidaan sa Beer-seba: sapagka't walang pagsala ang Gilgal ay papasok sa pagkabihag, at ang Beth-el ay mauuwi sa wala. |
6. | Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mangabubuhay; baka siya'y sumigalbong parang apoy sa sangbahayan ni Jose, at supukin yaon, at sa Beth-el ay walang makapapatay niyaon: |
7. | Kayong nagpapaging ajenjo sa kahatulan, at nagwawaksi ng katuwiran sa lupa. |
8. | Inyong hanapin ang lumikha ng mga Pleyades at ng Orion, at ang lilim ng kamatayan ay pinapaging umaga, pinapagdilim ang araw sa pamamagitan ng gabi; yaong tumatawag sa tubig sa dagat, at nagbubugso ng mga yaon sa ibabaw ng lupa (Panginoon ang siya niyang pangalan); |
9. | Yaong nagdadala ng biglang kabuwalan sa malakas, na anopa't ang pagkasira ay dumarating sa katibayan. |
10. | Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid. |
11. | Palibhasa nga't inyong niyayapakan ang dukha, at inyong hinihingan siya ng trigo: kayo'y nangagtayo ng mga bahay na batong tinabas, nguni't hindi ninyo tatahanan; kayo'y nangagtanim ng mga maligayang ubasan, nguni't hindi kayo magsisiinom ng alak niyaon. |
12. | Sapagka't talastas ko kung gaano karami ang inyong mga pagsalangsang, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan: kayong nagsisidalamhati sa ganap, na kinukunan ninyo ng suhol, at inyong inililigaw sa kanilang matuwid ang mapagkailangan sa pintuang-bayan. |
13. | Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong yaon; sapagka't masamang panahon. |
14. | Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo'y mangabuhay; at sa gayo'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi. |
15. | Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi sa Jose. |
16. | Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Panginoon: Panaghoy ay sa lahat na daan; at sila'y mangagsasabi sa lahat na lansangan, Sa aba! sa aba! at kanilang tatawagin ang mangbubukid sa pananambitan, at ang lahat na bihasa sa pananaghoy sa pagtaghoy. |
17. | At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagka't ako'y daraan sa gitna mo, sabi ng Panginoon. |
18. | Sa aba ninyo na nangagnanasa ng kaarawan ng Panginoon! bakit ninyo ninanasa ang kaarawan ng Panginoon? kadiliman nga, at hindi kaliwanagan. |
19. | Gaya ng kung ang tao ay tumatakas sa leon, at isang oso ang sumasalubong sa kaniya; o pumapasok sa bahay at ikinakapit ang kaniyang kamay sa pinid, at isang ahas ang tumutuka sa kaniya. |
20. | Hindi baga magiging kadiliman ang kaarawan ng Panginoon, at hindi kaliwanagan? na totoong madilim, at walang ningning? |
21. | Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang kapulungan. |
22. | Oo, bagaman inyong ihandog sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na harina, hindi ko tatanggapin; ni akin mang kalulugdan ang mga handog tungkol sa kapayapaan na inyong mga matabang hayop. |
23. | Ihiwalay mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; sapagka't hindi ko didinggin ang tinig ng iyong mga biola. |
24. | Kundi bumugso ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang malakas na agos. |
25. | Nagdala baga kayo sa akin ng mga hain, at ng mga handog sa ilang na apat na pung taon, Oh sangbahayan ni Israel? |
26. | Oo, inyong pinasan ang tabernakulo ng inyong hari at ang dambana ng inyong mga larawan, ang bituin ng inyong dios, na inyong ginawa para sa inyong sarili. |
27. | Kaya't kayo'y aking papapasukin sa pagkabihag sa dako roon ng Damasco, sabi ng Panginoon, na ang pangala'y Dios ng mga hukbo. |
← Amos (5/9) → |