← 2Samuel (5/24) → |
1. | Nang magkagayo'y naparoon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, at nagsipagsalita, na nagsisipagsabi, Narito, kami ay iyong buto at iyong laman. |
2. | Sa panahong nakaraan nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang naglalabas at nagpapasok sa Israel: at sinabi ng Panginoon sa iyo: Ikaw ay magiging pastor ng aking bayang Israel: at ikaw ay magiging prinsipe sa Israel. |
3. | Sa gayo'y nagsiparoon ang lahat ng mga matanda sa Israel sa hari sa Hebron: at ang haring si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon: at kanilang pinahiran ng langis si David na maging hari sa Israel. |
4. | Si David ay may tatlong pung taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y nagharing apat na pung taon. |
5. | Sa Hebron ay naghari siya sa Juda na pitong taon at anim na buwan: at sa Jerusalem ay naghari siya na tatlong pu at tatlong taon sa buong Israel at Juda. |
6. | At ang hari at ang kaniyang mga lalake ay nagsiparoon sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na nagsisitahan sa lupain, na nangagsalita kay David, na nangagsasabi, Maliban na iyong alisin ang bulag at ang pilay, hindi ka papasok dito: na iniisip, na si David ay hindi makapapasok doon. |
7. | Gayon ma'y sinakop ni David ang katibayan sa Sion; na siyang bayan ni David. |
8. | At sinabi ni David nang araw na yaon, Sino mang sumakit sa mga Jebuseo, ay pumaroon siya sa inaagusan ng tubig, at saktan ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David. Kaya't kanilang sinasabi, Mayroong bulag at pilay; hindi siya makapapasok sa bahay. |
9. | At tumahan si David sa katibayan at tinawag na bayan ni David. At itinayo ni David ang kuta sa palibot mula sa Millo, at sa loob. |
10. | At si David ay dumakila ng dumakila; sapagka't ang Panginoon na Dios ng mga hukbo, ay sumasa kaniya. |
11. | At si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, at ng mga puno ng sedro, at mga anluwagi, at mangdadaras sa bato; at kanilang ipinagtayo si David ng isang bahay. |
12. | At nahalata ni David, na itinalaga siya ng Panginoon na maging hari sa Israel, at kaniyang itinaas ang kaniyang kaharian dahil sa kaniyang bayang Israel. |
13. | At kumuha pa si David ng mga babae at mga asawa sa Jerusalem, panggagaling niya sa Hebron: at may mga ipinanganak pa na lalake at babae kay David. |
14. | At ito ang mga pangalan niyaong mga ipinanganak sa kaniya sa Jerusalem; si Sammua, at si Sobab, at si Nathan, at si Salomon, |
15. | At si Ibhar, at si Elisua; at si Nephegh at si Japhia; |
16. | At si Elisama, at si Eliada, at si Eliphelet. |
17. | At nang mabalitaan ng mga Filisteo na kanilang inihalal si David na hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay nagsiahon upang usigin si David; at nabalitaan ni David, at lumusong sa katibayan. |
18. | Ang mga Filisteo nga ay nagsidating at nagsikalat sa libis ng Rephaim. |
19. | At nagusisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa aking kamay? At sinabi ng Panginoon kay David, Umahon ka: sapagka't tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay. |
20. | At naparoon si David sa Baal-perasim at sila'y sinaktan doon ni David; at kaniyang sinabi, Pinanambulat ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, na gaya ng pilansik ng tubig. Kaya't kaniyang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Baal-perasim. |
21. | At kanilang iniwan doon ang kanilang mga larawan, at mga inalis ni David at ng kaniyang mga lalake. |
22. | At nagsiahon pa uli ang mga Filisteo, at nagsikalat sa libis ng Rephaim. |
23. | At nang isangguni ni David sa Panginoon, kaniyang sinabi, Huwag kang aahon: liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasagupa sa kanila sa mga puno ng morales. |
24. | At mangyayari, pagka iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng morales, na ikaw nga ay magmamadali: sapagka't lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang saktan ang hukbo ng mga Filisteo. |
25. | At ginawang gayon ni David; gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya; at sinaktan niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer. |
← 2Samuel (5/24) → |