2Samuel (1/24) → |
1. | At nangyari, pagkamatay ni Saul, nang magbalik si David na mula sa pagpatay sa mga Amalecita, at tumahan si David na dalawang araw sa Siclag; |
2. | Ay nangyari, sa ikatlong araw, na narito, ang isang lalake ay lumabas sa kampamento na mula kay Saul na hapak ang kaniyang suot, at may lupa ang kaniyang ulo: at nagkagayon, na nang dumating siya kay David, ay nagpatirapa at nagbigay galang. |
3. | At sinabi ni David sa kaniya, Saan ka nanggaling? At kaniyang sinabi sa kaniya, Sa kampamento ng Israel ay tumakas ako. |
4. | At sinabi ni David sa kaniya, Ano ang nangyari? isinasamo ko sa iyo na iyong saysayin sa akin. At siya'y sumagot: Ang bayan ay tumakas sa pakikipagbaka, at karamihan sa bayan naman ay nangabuwal at nangamatay; at si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ay nangamatay rin. |
5. | At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya: Paanong nalalaman mo na si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ay patay? |
6. | At sinabi sa kaniya ng binatang nagsaysay, Sa isang pagkakataon ay napasa bundok ako ng Gilboa, narito, si Saul ay nagpakabuwal sa kaniyang sibat; at, narito, hinahabol siyang mainam ng mga karo at ng mga mangangabayo. |
7. | At nang siya'y lumingon, kaniyang nakita ako, at tinawag niya ako, at ako'y sumagot: Narito ako. |
8. | At sinabi niya sa akin, Sino ka? At ako'y sumagot sa kaniya, Ako'y isang Amalecita. |
9. | At kaniyang sinabi uli sa akin, Tumayo ka sa siping ko, isinasamo ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil sa dinatnan ako ng panglulumo; sapagka't ang aking buhay ay lubos ko pang taglay. |
10. | Sa gayo'y tumayo ako sa siping niya, at aking pinatay siya, sapagka't talastas ko na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal: at aking kinuha ang putong na nasa kaniyang ulo, at ang pulsera na nasa kaniyang kamay, at aking dinala rito sa aking panginoon. |
11. | Nang magkagayo'y tinangnan ni David ang kaniyang mga suot at pinaghapak; at gayon din ang ginawa ng lahat na lalake na kasama niya: |
12. | At sila'y tumangis, at umiyak, at nagayuno hanggang sa paglubog ng araw, dahil kay Saul, at dahil kay Jonathan na kaniyang anak, at dahil sa bayan ng Panginoon, at dahil sa sangbahayan ng Israel; sapagka't sila'y nangabuwal sa pamamagitan ng tabak. |
13. | At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya, Taga saan ka? At siya'y sumagot: Ako'y anak ng isang taga ibang lupa, na Amalecita. |
14. | At sinabi ni David sa kaniya, Bakit hindi ka natakot na iunat mo ang iyong kamay na patayin ang pinahiran ng langis ng Panginoon? |
15. | At tinawag ni David ang isa sa mga bataan, at sinabi, Lumapit ka, at daluhungin mo siya. At kaniyang sinaktan siya, na anopa't namatay. |
16. | At sinabi ni David sa kaniya, Ang iyong dugo ay sumaiyong ulo; sapagka't ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, Aking pinatay ang pinahiran ng langis ng Panginoon. |
17. | At tinaghuyan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kaniyang anak: |
18. | (At kaniyang ipinaturo sa mga anak ni Juda ang awit sa pamamana narito, nasusulat sa aklat ni Jaser): |
19. | Ang iyong kaluwalhatian, Oh Israel, ay napatay sa iyong matataas na dako! Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan! |
20. | Huwag ninyong saysayin sa Gath, Huwag ninyong ihayag sa mga lansangan ng Ascalon; Baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay mangagalak, Baka ang mga anak na babae ng mga hindi tuli ay magtagumpay. |
21. | Kayong mga bundok ng Gilboa, Huwag magkaroon ng hamog, o ulan man sa inyo, kahit mga bukid na mga handog: Sapagka't diyan ang kalasag ng makapangyarihan ay nahagis ng kahalayhalay. Ang kalasag ni Saul, na parang isa, na hindi pinahiran ng langis. |
22. | Sa dugo ng pinatay, sa taba ng makapangyarihan, Ang busog ni Jonathan ay hindi umurong, At ang tabak ni Saul ay hindi nagbalik na walang dala. |
23. | Si Saul at si Jonathan ay nagibigan at nagmagandahang-loob sa kanilang kabuhayan. At sa kanilang kamatayan sila'y hindi naghiwalay; Sila'y lalong maliliksi kay sa mga agila, Sila'y lalong malalakas kay sa mga leon. |
24. | Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul, Na siyang sa inyo'y maselang na nagbihis ng escarlata, Na siyang naggayak ng ginto sa inyong mga kasuutan. |
25. | Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan sa gitna ng pagbabaka! Oh Jonathan, napatay ka sa iyong matataas na dako. |
26. | Ako'y namanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan: Naging totoong kalugodlugod ka sa akin; Ang iyong pag-ibig sa akin ay kagilagilalas, Na humihigit sa pagsinta ng mga babae. |
27. | Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan, At nangalipol ang mga sandata na pandigma! |
2Samuel (1/24) → |