← 2Corinthians (2/13) → |
1. | Datapuwa't ito'y ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may kalumbayan. |
2. | Sapagka't kung kayo'y palulumbayin ko, sino nga ang sa akin ay magpapagalak, kundi yaong pinalulumbay ko? |
3. | At aking isinulat ang bagay ring ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalumbayan doon sa mga nararapat kong ikagalak; sa pagkakatiwala sa inyong lahat, na ang aking kagalakan ay kagalakan ninyong lahat. |
4. | Sapagka't sa malaking kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y palumbayin, kundi upang inyong makilala ang pagibig kong napakasagana sa inyo. |
5. | Datapuwa't kung ang sinoman ay nakapagpalumbay, hindi ako ang pinalumbay niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat (upang huwag kong higpitang totoo). |
6. | Sukat na sa gayon ang kaparusahang ito na ipinarusa ng marami; |
7. | Upang bagkus ninyong patawarin siya at aliwin siya, baka sa anomang paraan ay madaig ang gayon ng kaniyang malabis na kalumbayan. |
8. | Dahil dito'y ipinamamanhik ko sa inyo na papagtibayin ninyo ang pagibig sa kaniya. |
9. | Sapagka't dahil din sa bagay na ito ay sumulat ako, upang aking makilala ang katunayan tungkol sa inyo, kung kayo'y mga matalimahin sa lahat ng mga bagay. |
10. | Datapuwa't ang inyong pinatatawad ng anoman ay pinatatawad ko rin naman: sapagka't ang aking ipinatawad naman, kung ako'y nagpapatawad ng anoman, ay dahil sa inyo, sa harapan ni Cristo; |
11. | Upang huwag kaming malamangan ni Satanas: sapagka't kami ay hindi hangal sa kaniyang mga lalang. |
12. | Nang ako'y dumating nga sa Troas dahil sa evangelio ni Cristo, at nang mabuksan sa akin ang isang pinto sa Panginoon, |
13. | Ay hindi ako nagkaroon ng katiwasayan sa aking espiritu, sapagka't hindi ko nasumpungan si Tito na kapatid ko: datapuwa't pagkapagpaalam ko sa kanila, ako'y napasa Macedonia. |
14. | Datapuwa't salamat sa Dios, na laging pinapagtatagumpay tayo kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawa't dako. |
15. | Sapagka't sa mga inililigtas, at sa mga napapahamak ay masarap tayong samyo ni Cristo sa Dios; |
16. | Sa isa ay samyo mula sa kamatayan sa ikamamatay; at sa iba ay samyong mula sa kabuhayan sa ikabubuhay. At sino ang sapat sa mga bagay na ito? |
17. | Sapagka't hindi kami gaya ng karamihan na kinakalakal ang salita ng Dios: kundi sa pagtatapat, at gaya ng mula sa Dios, sa harapan ng Dios ay nagsasalita kami para kay Cristo. |
← 2Corinthians (2/13) → |