← 1Thessalonians (5/5) |
1. | Datapuwa't tungkol sa mga kapanahunan at mga bahagi ng panahon, mga kapatid, hindi ninyo kailangan na isulat ko pa sa inyo ang anoman. |
2. | Sapagka't kayo rin ang mga lubos na nangakakaalam, na ang pagdating ng kaarawan ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi. |
3. | Pagka sinasabi ng mga tao, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan. |
4. | Nguni't kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw: |
5. | Sapagka't kayong lahat ay pawang mga anak ng kaliwanagan, at mga anak ng araw: tayo'y hindi ng gabi, ni ng kadiliman man; |
6. | Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba, kundi tayo'y mangagpuyat at mangagpigil. |
7. | Sapagka't ang nangatutulog ay nangatutulog sa gabi; at ang nangaglalasing ay nangaglalasing sa gabi. |
8. | Datapuwa't palibhasa'y mga anak tayo ng araw, mangagpigil tayo, na isuot ang baluti ng pananampalataya at ng pagibig; at ang maging turbante ay ang pagasa ng kaligtasan. |
9. | Sapagka't tayo'y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, |
10. | Na namatay dahil sa atin, upang tayo, sa gising o tulog man, ay mangabuhay tayong kasama niya. |
11. | Dahil dito kayo'y mangagpangaralan, at mangagpatibayan sa isa't isa sa inyo, gaya ng inyong ginagawa. |
12. | Datapuwa't ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo; |
13. | At inyong lubos na pakamahalin sila sa pagibig, dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo-kayo ng kapayapaan. |
14. | At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat. |
15. | Tingnan nga ninyo na huwag gumanti ang sinoman ng masama sa masama; nguni't sundin ninyong lagi ang mabuti, ang isa'y sa iba, at sa lahat. |
16. | Mangagalak kayong lagi; |
17. | Magsipanalangin kayong walang patid; |
18. | Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka't ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo. |
19. | Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu; |
20. | Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula; |
21. | Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti; |
22. | Layuan ninyo ang bawa't anyo ng masama. |
23. | At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo. |
24. | Tapat yaong sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito. |
25. | Mga kapatid, idalangin ninyo kami. |
26. | Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik. |
27. | Idinadaing ko sa inyo alangalang sa Panginoon na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito. |
28. | Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa. |
← 1Thessalonians (5/5) |