| ← Psalms (92/150) → |
| 1. | Isang mabuting bagay ang magpapasalamat sa Panginoon, at umawit ng mga pagpuri sa iyong pangalan, Oh Kataastaasan: |
| 2. | Upang magpakilala ng iyong kagandahang-loob sa umaga, at ng iyong pagtatapat gabigabi. |
| 3. | Na may panugtog na may sangpung kawad, at may salterio; na may dakilang tunog na alpa. |
| 4. | Sapagka't ikaw, Panginoon, iyong pinasaya ako sa iyong gawa: ako'y magtatagumpay sa mga gawa ng iyong mga kamay. |
| 5. | Kay dakila ng iyong mga gawa, Oh Panginoon! Ang iyong mga pagiisip ay totoong malalim. |
| 6. | Ang taong hangal ay hindi nakakaalam; ni nauunawa man ito ng mangmang. |
| 7. | Pagka ang masama ay lumilitaw na parang damo, at pagka gumiginhawa ang lahat na manggagawa ng kasamaan; ay upang mangalipol sila magpakailan man: |
| 8. | Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mataas magpakailan man. |
| 9. | Sapagka't, narito, ang mga kaaway mo, Oh Panginoon, sapagka't, narito, ang mga kaaway mo'y malilipol; lahat ng mga manggagawa ng kasamaan ay mangangalat. |
| 10. | Nguni't ang sungay ko'y iyong pinataas na parang sungay ng mailap na toro: ako'y napahiran ng bagong langis. |
| 11. | Nakita naman ng aking mata ang nasa ko sa aking mga kaaway, narinig ng aking pakinig ang nasa ko sa mga manggagawa ng kasamaan na nagsisibangon laban sa akin. |
| 12. | Ang matuwid ay giginhawa na parang puno ng palma. Siya'y tutubo na parang cedro sa Libano. |
| 13. | Sila'y nangatatag sa bahay ng Panginoon; sila'y giginhawa sa mga looban ng aming Dios. |
| 14. | Sila'y mangagbubunga sa katandaan; sila'y mapupuspos ng katas at kasariwaan: |
| 15. | Upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid; siya'y aking malaking bato, at walang kalikuan sa kaniya. |
| ← Psalms (92/150) → |