| ← Psalms (75/150) → |
| 1. | Kami ay nagpapasalamat sa iyo, Oh Dios: kami ay nagpapasalamat, sapagka't ang iyong pangalan ay malapit: isinasaysay ng mga tao ang iyong mga kagilagilalas na gawa. |
| 2. | Pagka aking nakamtan ang takdang kapanahunan, hahatol ako ng matuwid. |
| 3. | Ang lupa at lahat na tagarito ay natutunaw: aking itinayo ang mga haligi niyaon. (Selah) |
| 4. | Aking sinabi sa hambog, Huwag kang gumawang may kahambugan: at sa masama, Huwag kang magtaas ng sungay: |
| 5. | Huwag mong itaas ang iyong sungay ng mataas; huwag kang magsalitang may matigas na ulo. |
| 6. | Sapagka't hindi man mula sa silanganan, o mula man sa kalunuran, o mula man sa timugan, ang pagkataas. |
| 7. | Kundi ang Dios ay siyang hukom: kaniyang ibinababa ang isa, at itinataas ang isa. |
| 8. | Sapagka't sa kamay ng Panginoon ay may isang saro, at ang alak ay bumubula; puno ng pagkakahalohalo, at kaniyang inililiguwak din: tunay na ibubuhos ng lahat na masama sa lupa ang latak, at iinumin. |
| 9. | Nguni't aking ipahahayag magpakailan man, ako'y aawit ng mga kapurihan sa Dios ni Jacob. |
| 10. | Lahat ng mga sungay naman ng masama ay aking ihihiwalay; nguni't ang mga sungay ng matuwid ay matataas. |
| ← Psalms (75/150) → |