| ← Psalms (16/150) → |
| 1. | Ingatan mo ako, Oh Dios; sapagka't sa iyo nanganganlong ako. |
| 2. | Oh kaluluwa ko, iyong sinabi sa Panginoon, ikaw ay aking Panginoon: ako'y walang kabutihan liban sa iyo. |
| 3. | Tungkol sa mga banal na nangasa lupa, sila ang maririlag na mga kinalulugdan kong lubos. |
| 4. | Ang mga kalumbayan nila ay dadami, na nangaghahandog sa ibang dios: ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ihahandog, ni sasambitin man ang kanilang mga pangalan sa aking mga labi. |
| 5. | Ang Panginoon ay siyang bahagi ng aking mana at ng aking saro: iyong inaalalayan ang aking kapalaran. |
| 6. | Ang pising panukat ay nangahulog sa akin sa mga maligayang dako; Oo, ako'y may mainam na mana. |
| 7. | Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo: Oo, tinuturuan ako sa gabi ng aking puso. |
| 8. | Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko: sapagka't kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos. |
| 9. | Kaya't ang aking puso ay masaya, at ang aking kaluwalhatian ay nagagalak: ang akin namang katawan ay tatahang tiwasay. |
| 10. | Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan. |
| 11. | Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay: nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may mga kasayahan magpakailan man. |
| ← Psalms (16/150) → |