| ← Psalms (135/150) → |
| 1. | Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang pangalan ng Panginoon; purihin ninyo siya, Oh ninyong mga lingkod ng Panginoon: |
| 2. | Ninyong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon. Sa mga looban ng bahay ng ating Dios. |
| 3. | Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka't ang Panginoon ay mabuti: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniyang pangalan; sapagka't maligaya. |
| 4. | Sapagka't pinili ng Panginoon para sa kaniya si Jacob, at ang Israel na kaniyang pinakatanging kayamanan. |
| 5. | Sapagka't nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila, at ang ating Panginoon ay higit sa lahat na dios. |
| 6. | Anomang kinalugdan ng Panginoon, ay kaniyang ginawa, sa langit at sa lupa, sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman. |
| 7. | Kaniyang pinailanglang ang mga singaw na mula sa mga wakas ng lupa; kaniyang ginagawa ang mga kidlat na ukol sa ulan; kaniyang inilalabas ang hangin mula sa kaniyang mga ingatang-yaman. |
| 8. | Na siyang sumakit sa mga panganay sa Egipto, sa tao at gayon din sa hayop. |
| 9. | Siya'y nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan sa gitna mo, Oh Egipto, kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod. |
| 10. | Na siyang sumakit sa maraming bansa, at pumatay sa mga makapangyarihang hari; |
| 11. | Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, at kay Og na hari sa Basan, at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan: |
| 12. | At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana, isang pinakamana sa Israel sa kaniyang bayan. |
| 13. | Ang iyong pangalan, Oh Panginoon, ay magpakailan man; ang alaala sa iyo, Oh Panginoon, ay sa lahat ng sali't saling lahi. |
| 14. | Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, at magsisisi tungkol sa kaniyang mga lingkod. |
| 15. | Ang mga diosdiosan ng mga bansa ay pilak at ginto, na gawa ng mga kamay ng mga tao. |
| 16. | Sila'y may mga bibig, nguni't hindi sila nangagsasalita; mga mata ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita; |
| 17. | Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; at wala mang anomang hinga sa kanilang mga bibig. |
| 18. | Silang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila. |
| 19. | Oh sangbahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon: Oh sangbahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon: |
| 20. | Oh sangbahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon: ninyong nangatatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon. |
| 21. | Purihin ang Panginoon mula sa Sion, na siyang tumatahan sa Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon. |
| ← Psalms (135/150) → |