| ← Proverbs (21/31) → |
| 1. | Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang mga batis: kumikiling saan man niya ibigin. |
| 2. | Bawa't lakad ng tao ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga puso. |
| 3. | Gumawa ng kaganapan at kahatulan ay lalong kalugodlugod sa Panginoon kay sa hain. |
| 4. | Ang mapagmataas na tingin, at ang palalong puso, siyang ilaw ng masama, ay kasalanan. |
| 5. | Ang mga pagiisip ng masipag ay patungo sa kasaganaan lamang: nguni't bawa't nagmamadali ay sa pangangailangan lamang. |
| 6. | Ang pagtatamo ng mga kayamanan sa pamamagitan ng sinungaling na dila ay singaw na tinatangay na paroo't parito noong nagsisihanap ng kamatayan. |
| 7. | Ang pangdadahas ng masama ay siya ring papalis sa kanila; sapagka't sila'y nagsitangging magsigawa ng kahatulan. |
| 8. | Ang lakad ng nagpapasan ng sala ay lubhang liko; nguni't tungkol sa malinis, ang kaniyang gawa ay matuwid. |
| 9. | Lalong maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa palatalong babae sa maluwang na bahay. |
| 10. | Ang kaluluwa ng masama ay nagnanasa ng kasamaan: ang kaniyang kapuwa ay hindi nakakasumpong ng lingap sa kaniyang mga mata. |
| 11. | Pagka ang mangduduwahagi ay pinarusahan, ang musmos ay nagiging pantas: at pagka ang pantas ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman. |
| 12. | Pinagninilay ng matuwid ang bahay ng masama, kung paanong napapahamak ang masama sa kanilang pagkapariwara. |
| 13. | Ang nagtatakip ng kaniyang mga pakinig sa daing ng dukha, siya naman ay dadaing, nguni't hindi didinggin. |
| 14. | Ang kaloob na lihim ay nagpapatahimik ng galit, at ang alay sa sinapupunan, ay ng malaking poot. |
| 15. | Kagalakan sa matuwid ang gumawa ng kahatulan; nguni't kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan. |
| 16. | Ang tao na gumagala sa labas ng daan ng kaunawaan, magpapahinga sa kapisanan ng patay. |
| 17. | Ang umiibig ng kalayawan ay magiging dukha: ang umiibig sa alak at langis ay hindi yayaman. |
| 18. | Ang masama ay isang katubusan para sa matuwid, at ang taksil ay sa lugar ng matuwid. |
| 19. | Lalong maigi ang tumahan sa ilang na lupain, kay sa makisama sa palatalo at magagaliting babae. |
| 20. | May mahalagang kayamanan at langis sa tahanan ng pantas; nguni't ito'y sinasakmal ng mangmang. |
| 21. | Ang sumusunod sa katuwiran at kagandahang-loob nakakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan. |
| 22. | Sinasampa ng pantas ang bayan ng makapangyarihan, at ibinabagsak ang lakas ng pagkakatiwala niyaon. |
| 23. | Sinomang nagiingat ng kaniyang bibig at kaniyang dila nagiingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan. |
| 24. | Ang palalo at mapagmataas na tao, manglilibak ang kaniyang pangalan, siya'y gumagawa sa kahambugan ng kapalaluan. |
| 25. | Ang nasa ng tamad ay pumapatay sa kaniya; sapagka't tumatanggi ang kaniyang mga kamay sa paggawa. |
| 26. | May nagiimbot sa kasakiman buong araw: nguni't ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait. |
| 27. | Ang hain ng masama ay karumaldumal: gaano pa nga, pagka kaniyang dinadala na may masamang isip! |
| 28. | Ang sinungaling na saksi ay mamamatay: nguni't ang taong nakikinig ay magsasalita upang mamalagi. |
| 29. | Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kaniyang mukha; nguni't tungkol sa taong matuwid, nagaayos ng kaniyang mga lakad. |
| 30. | Walang karunungan, o kaunawaan man, O payo man laban sa Panginoon. |
| 31. | Ang kabayo ay handa laban sa kaarawan ng pagbabaka: nguni't ang pagtatagumpay ay sa Panginoon. |
| ← Proverbs (21/31) → |