| Proverbs (1/31) → |
| 1. | Ang mga kawikaan ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel: |
| 2. | Upang umalam ng karunungan at turo; upang bulayin ang mga salita ng pagkaunawa; |
| 3. | Upang tumanggap ng turo sa pantas na paguugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan; |
| 4. | Upang magbigay ng katalinuhan sa musmos. Kaalaman at pagbubulay sa kabataan: |
| 5. | Upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo: at upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo: |
| 6. | Upang umunawa ng kawikaan at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi. |
| 7. | Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo. |
| 8. | Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina: |
| 9. | Sapagka't sila'y magiging tali ng biyaya sa iyong ulo, at mga kuwintas sa ligid ng iyong leeg. |
| 10. | Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan. |
| 11. | Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo'y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo'y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala; |
| 12. | Sila'y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw; |
| 13. | Tayo'y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam; |
| 14. | Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot: |
| 15. | Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas: |
| 16. | Sapagka't ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila'y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo. |
| 17. | Sapagka't walang kabuluhang naladlad ang silo, sa paningin ng alin mang ibon: |
| 18. | At binabakayan ng mga ito ang kanilang sariling dugo, kanilang ipinagkukubli ng silo ang kanilang sariling mga buhay. |
| 19. | Ganyan ang mga lakad ng bawa't sakim sa pakinabang; na nagaalis ng buhay ng mga may-ari niyaon. |
| 20. | Karunungan ay humihiyaw na malakas sa lansangan; kaniyang inilalakas ang kaniyang tinig sa mga luwal na dako; |
| 21. | Siya'y humihiyaw sa mga pangulong dako na pinaglilipunan; sa pasukan ng mga pintuang-bayan, sa bayan, kaniyang binibigkas ang kaniyang mga salita: |
| 22. | Hanggang kailan kayong mga musmos, magsisiibig sa inyong kamusmusan? At ang mga nanunuya ay maliligaya sa panunuya, at ang mga mangmang ay mangagtatanim sa kaalaman? |
| 23. | Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo. |
| 24. | Sapagka't ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; |
| 25. | Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway: |
| 26. | Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako'y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating; |
| 27. | Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo. |
| 28. | Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, nguni't hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni't hindi nila ako masusumpungan: |
| 29. | Sapagka't kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon. |
| 30. | Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway: |
| 31. | Kaya't sila'y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan. |
| 32. | Sapagka't papatayin sila ng pagtalikod ng musmos, at ang pagkawalang balisa ng mga mangmang ay ang sisira sa kanila. |
| 33. | Nguni't ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay. At tatahimik na walang takot sa kasamaan. |
| Proverbs (1/31) → |