| ← Job (8/42) → |
| 1. | Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi, |
| 2. | Hanggang kailan magsasalita ka ng mga bagay na ito? At hanggang kailan magiging gaya ng makapangyarihang hangin ang mga salita ng iyong bibig? |
| 3. | Nagliliko ba ng kahatulan ang Dios? O nagliliko ba ang Makapangyarihan sa lahat ng kaganapan? |
| 4. | Kung ang iyong mga anak ay nangagkasala laban sa kaniya, at kaniyang ibinigay sila sa kamay ng kanilang pagkasalangsang: |
| 5. | Kung hanapin mong mainam ang Dios, at iyong pamanhikan ang Makapangyarihan sa lahat; |
| 6. | Kung ikaw ay malinis at matuwid; walang pagsalang ngayo'y gigising siya dahil sa iyo. At pasasaganain ang tahanan ng iyong katuwiran. |
| 7. | At bagaman ang iyong pasimula ay maliit, gayon ma'y ang iyong huling wakas ay lalaking mainam. |
| 8. | Sapagka't ikaw ay magsisiyasat, isinasamo ko sa iyo, sa unang panahon, at pasiyahan mo ang sinaliksik ng kanilang mga magulang: |
| 9. | (Sapagka't tayo'y kahapon lamang, at walang nalalaman, sapagka't ang ating mga kaarawan sa lupa ay anino:) |
| 10. | Hindi ka ba nila tuturuan, at sasaysayin sa iyo, at mangagsasalita ng mga salita mula sa kanilang puso? |
| 11. | Makatataas ba ang yantok ng walang putik? Tutubo ba ang tambo ng walang tubig? |
| 12. | Samantalang nasa kasariwaan, at hindi pinuputol, natutuyong una kay sa alin mang damo. |
| 13. | Gayon ang mga landas ng lahat na nagsisilimot sa Dios; at ang pagasa ng di banal ay mawawala: |
| 14. | Na ang kaniyang pagtitiwala ay mapaparam, at ang kaniyang tiwala ay isang bahay gagamba. |
| 15. | Siya'y sasandal sa kaniyang bahay, nguni't hindi tatayo; siya'y pipigil na mahigpit dito, nguni't hindi makapagmamatigas. |
| 16. | Siya'y sariwa sa harap ng araw, at ang kaniyang mga suwi ay sumisibol sa kaniyang halamanan. |
| 17. | Ang kaniyang mga ugat ay nagkakapitan sa palibot ng bunton, kaniyang minamasdan ang dako ng mga bato. |
| 18. | Kung siya'y magiba sa kaniyang dako, kung magkagayo'y itatakuwil niya siya, na sinasabi: Hindi kita nakita. |
| 19. | Narito, ito ang kagalakan ng kaniyang lakad, at mula sa lupa ay sisibol ang mga iba. |
| 20. | Narito, hindi itatakuwil ng Dios ang sakdal na tao, ni aalalayan man niya ang mga manggagawa ng kasamaan. |
| 21. | Kaniya namang pupunuin ang iyong bibig ng pagtawa, at ang iyong mga labi ng paghiyaw. |
| 22. | Silang nangapopoot sa iyo ay mabibihisan ng pagkahiya; at ang tolda ng masama ay mawawala. |
| ← Job (8/42) → |