| ← Job (30/42) → |
| 1. | Nguni't ngayo'y silang bata kay sa akin ay nagsisitawa sa akin, na ang mga magulang ay di ko ibig na malagay na kasama ng mga aso ng aking kawan. |
| 2. | Oo, ang kalakasan ng kanilang kamay, sa ano ko mapapakinabangan? Mga taong ang kalusugan ng gulang ay lumipas na. |
| 3. | Sila'y lata sa pangangailangan at sa kagutom; kanilang nginangata ang tuyong lupa, sa kadiliman ng kasalatan at kapahamakan. |
| 4. | Sila'y nagsisibunot ng mga malvas sa tabi ng mabababang punong kahoy; at ang mga ugat ng enebro ay siyang kanilang pinakapagkain. |
| 5. | Sila'y pinalayas mula sa gitna ng mga tao; sila'y sumisigaw sa likuran nila, na gaya ng sa likuran ng isang magnanakaw. |
| 6. | Upang sila'y magsitahan sa nakatatakot na mga libis, sa mga puwang ng lupa, at ng mga bato. |
| 7. | Sa gitna ng mabababang punong kahoy ay nagsisiangal; sa ilalim ng mga tinikan ay nangapipisan. |
| 8. | Mga anak ng mga mangmang, oo, mga anak ng mga walang puring tao; sila'y mga itinapon mula sa lupain. |
| 9. | At ngayon ay naging kantahin nila ako, Oo, ako'y kasabihan sa kanila. |
| 10. | Kanilang kinayayamutan ako, nilalayuan nila ako, at hindi sila nagpipigil ng paglura sa aking mukha. |
| 11. | Sapagka't kinalag niya ang kaniyang panali, at pinighati ako, at kanilang inalis ang paningkaw sa harap ko. |
| 12. | Sa aking kanan ay tumatayo ang tanga; itinutulak nila ang aking mga paa, at kanilang pinapatag laban sa akin ang kanilang mga paraan ng paghamak. |
| 13. | Kanilang sinisira ang aking landas, kanilang isinusulong ang aking kapahamakan, mga taong walang tumulong. |
| 14. | Tila dumarating sila sa isang maluwang na pasukan: sa gitna ng kasiraan ay nagsisigulong sila. |
| 15. | Mga kakilabutan ay dumadagan sa akin, kanilang tinatangay ang aking karangalan na gaya ng hangin; at ang aking kaginhawahan ay napaparam na parang alapaap. |
| 16. | At ngayo'y nanglulupaypay ang aking kaluluwa sa loob ko; mga kaarawan ng pagkapighati ay humawak sa akin. |
| 17. | Sa gabi ay nagaantakan ang aking mga buto, at ang mga antak na nagpapahirap sa akin ay hindi nagpapahinga. |
| 18. | Sa matinding karahasan ng aking sakit ay nagiging katuwa ang aking suot: tumatali sa akin sa palibot na gaya ng leeg ng aking baro. |
| 19. | Inihahagis niya ako sa banlik, at ako'y naging parang alabok at mga abo. |
| 20. | Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot: ako'y tumatayo, at minamasdan mo ako. |
| 21. | Ikaw ay naging mabagsik sa akin: sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong kamay ay hinahabol mo ako. |
| 22. | Itinataas mo ako sa hangin, pinasasakay mo ako roon; at tinutunaw mo ako sa bagyo. |
| 23. | Sapagka't talastas ko na iyong dadalhin ako sa kamatayan, at sa bahay na takda sa lahat na may buhay. |
| 24. | Gayon man ang isa ay di ba naguunat ng kamay sa kaniyang pagkahulog? O sa kaniyang kasakunaan kung kaya sisigaw ng tulong? |
| 25. | Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan? Hindi ba ang aking kaluluwa ay nakikidamay sa mapagkailangan? |
| 26. | Pagka ako'y humahanap ng mabuti, ang kasamaan nga ang dumarating: at pagka ako'y naghihintay ng liwanag ay kadiliman ang dumarating. |
| 27. | Ang aking puso'y nababagabag at walang pahinga; mga araw ng kapighatian ay dumating sa akin. |
| 28. | Ako'y yumayaong tumatangis na walang araw; ako'y tumatayo sa kapulungan at humihinging tulong. |
| 29. | Ako'y kapatid ng mga chakal, at mga kasama ng mga avestruz. |
| 30. | Ang aking balat ay maitim, at natutuklap, at ang aking mga buto ay nagpapaltos. |
| 31. | Kaya't ang aking alpa ay naging panangis, at ang aking flauta ay naging tinig ng umiiyak. |
| ← Job (30/42) → |